Inilathala na ang Ministerial Decree sa Official Gazette, na naglalaman ng implementing rules and guidelines ng Regolarizzazione 2020 (serie generale n. 137 del 29.05.2020). Ang Regolarizzazione ay tinatawag ding Sanatoria o Emersione di lavoro.
Ang pagpapatupad ng artikulo 103 ng DL Rilancio ng May 19, 2020, bilang 34 ay nagsasaad ng:
- posibilidad para sa employer na Italyano o dayuhan ang ipahayag ang hindi regular na pagta-trabaho ng isang mamamayang italyano o dayuhan na nasa bansang Italya bago ang March 8, 2020 at pumirma ng isang employment contract (lavoro subordinato)
- posibilidad para sa mga mamamayang dayuhan na may expired na permesso di soggiorno mula October 31, 2019 at mag-aplay ng permesso di soggiorno temporaneo na balido ng 6 na buwan.
Dalawang magkahiwalay na pamamaraan sa pagsusumite ng mga aplikasyon.
Ang mga aplikasyon ay maaaring isumite simula June 1 hanggang July 15, 2020, mula alas 7 ng umaga hanggang alas 10 ng gabi (maliban sa July 15 na hanggang 11.59pm). Walang click day!
Narito ang proseso para sa Regolarizzazione 2020 ng domestic job: colf at badante
Ang employer, maaaring Italyano, European o dayuhang mayroong EC long term residence permit (o ang tinatawag noon na carta di soggiorno), ay kailangang may kita na hindi bababa sa €20,000 sa isang taon. Samantala, hindi naman bababa sa € 27,000, sa kasong ang pamilya ng employer ay may higit sa isa ang may kita.
Bago ipadala ang aplikasyon ay kailangang bayaran ng employer ang ‘contributo forfettario’ na nagkakahalaga ng € 500, (bawat worker), gamit ang F24 (REDT 2020), na matatagpuan sa mga bangko, uffici postali at website ng Agenzia dell’entrate.
Ang aplikasyon ay ipapadala ng employer mismo sa website ng Ministry of Interior: https://nullaostalavoro.dlci.interno.it/, gamit ang SPID.
Matapos ipadala ang aplikasyon, matatagpuan sa ‘area personale’ ng parehong website ang ricevuta o resibo ng aplikasyon na dapat ibigay sa worker.
Ang Sportello unico per l’immigrazione, matapos suriin ang aplikasyon at matanggap ang positibong opinion ng Questura at Ispettorato del lavoro, ay bibigyan ang appointment ang employer at worker para sa pagsusumite ng mga dokumentasyong kinakailangan para sa regolarizzazione at sa pagpirma ng contratto di soggiorno.
Kasabay nito ang Sportello unico ay magpapadala ng comunicazione obbligatoria di assunzione at ibibigay sa worker ang form para sa aplikasyon ng permesso di soggiorno per lavoro subordinato.
Ang mga employer ay maaari ding lumapit sa mga associazione di categoria, organizzazione sindacali at patronati, para sa pagpapadala ng aplikasyon ng Regolarizzazione 2020. (PGA)