Naglabas ng Advisory ang Presidente ng Philhealth na si Retiradong Heneral Ricardo Morales na pansamantalang sinusupindi ang implementasyon ng Circular 2020-0014. Inilabas ang pahayag na ito Hunyo 11, 2020 sa official site ng Philhealth.
Ayon sa kalatas 2020-037, sa una ay magbabayad ng P2,400 ang mga OFWs subalit may pasubali ito na sa loob ng 12 buwan ay dapat kumpletohin ang taunang halaga na dapat bayaran. Pansamantala din sinuspindi ang Mandatory Membership habang nasa gitna ng Pandemya ang bansa.
Kaagad naman itong kinundena ng Bise Presidente ng OFW Watch Italy Ed Turingan, ’ang ating panawagan sa Malakanyang ay kagyat na pag-amyenda sa RA 11223 o Universal Health Care Law. Pagbago sa nilalaman ng batas partikular ang sapilitan 3% pagtaas ng premium at pagpapasapi; pagtangal sa mga ofw, of’s at mga dual citizen bilang direct contributor; at ang tunguhin nitong pribatisasyon ng serbisyong pangkalusugan’.
Sinabi naman ni Gng. Jean Alviz ng 1 GANAP Guardians Italy, ‘may pandemya o wala, hindi tanggap ng mga migrante ang di makatarungang pagpapataw na ito ng singil. Malaon ng nagsasakripisyo ang mga Ofw sa ibayong dagat. Sa lumalalang krisis sa ekonomiya maging sa mga mayayaman bansa, ang kailangan ng mga OFW ay suporta mula sa pamahalaan hindi dagdag na pahirap’.
Sa Social Media, halatang dismayado ang mga ofw sa nilalaman ng Kalatas 037. May mga nagsabi na ‘bakit ba mga ofw ang pinagdidiskitahan na pagkuhanan ng pondo’. Ang iba naman ay nagagalit dahil mahirap maghanap ng trabaho sa panahon ngayon kahit pa bago rumagasa ang covid19 sa kalusugan at kabuhayan ng mga tao sa Italya. May ilan din na ayaw magpabangit ng pangalan na nagsasabing ‘sadyang gatasang baka ang turing sa atin’.
Matatandaan na noong nakaraang linggo ay naglunsad ng pambansang pagkilos ang grupo ng OFW Watch Italy. Nilahukan ito ng kulang 200 organisasyon sa 27 mahahalagang syudad sa Italya. Sa isinagawang on-line campaign ng grupo, umabot sa 50 libo ang pumirma tutol sa implemntasyong ng RA 11223 at circular 2020-0014. (Ibarra Banaag)