Batay sa mga aplikasyon ng Cassa Integrazione – ang ayuda mula sa gobyerno para sa mga workers na napilitang tumigil sa trabaho sanhi ng ipinatupad na lockdown – na regular na isinumite ng mga employers, ang bilang ng mga workers na hindi pa nakakatanggap ng kahit isang buwan man lamang ng nabanggit na ayuda hanggang June 17 ay 134,358 katao.
Ayon sa Inps, malaking bahagi ng bilang na nabanggit – 108,590, ay mga aplikasyong natanggap noong Hunyo.
Samantala, sa mga aplikasyong isinumite hanggang katapusan ng buwan ng Mayo ay may 25,768 mga workers pa ang hindi pa nakakatanggap ng ayuda.
Bukod dito, 356,939 ang bilang naman ng mga workers, na ang mga aplikasyon ay isinumite makalipas ang May 31, ang naghihintay na makatanggap ng ikalawang buwan ng Cassa Integrazione. Samakatwid, ang bilang na nabanggit ay nakatanggap ng isang buwan ng Cassa Integrazione (marahil Marso o Abril).
Gayunpaman, umabot na 5.327 M euros ang ipinadalang ayuda sa mga workers diretso sa kani-kanilang bank account.
May kabuuang 11 milyon ang mga aplikasyon para makatanggap ng iba’t ibang tulong pinansyal, ayuda o bonus tulad ng congedi parentali, cassa integrazione, reddito di emergenza at iba pa na nauugnay sa covid ang natanggap ng Inps hanggang June 17, 2020. Ang mga ito ay tinatayang aabot sa kabuuang halaga ng 15 billion euros. (PGA – Source: ANSA)