Sampung araw makalipas ang pagbubukas ng School Year 2020-2021 sa Italya (maliban sa 5 rehiyon) ay umabot na 400 ang mga paaralan na nagtala ng mga bagong kaso ng coronavirus, kung saan 75 ng mga ito ang tuluyang nagsara ng ilang araw.
Ang mga pangunahing rehiyon na nagtala ng mga kaso ng covid19 sa paaralan ay ang Lombardia (84), Emilia Romagna (60), Toscana (50) at Lazio (38). Sumunod ang Piemonte (29) at Veneto (24).
Ito ay ayon sa ulat ng Il Sole 24 ore. Ang mga datos ay mula sa database ng isang researcher, Vittorio Nicoletta at ng isang universitarian, Lorenzo Rufino – na nangalap ng mga impormasyon mula sa pagbubukas ng mga paaralan.
Partikular, 19 ang mga paaralang naitala sa Roma, 14 sa Bologna, 13 sa Milan at 10 sa Palermo. 76% ng mga nahawahan ng covid19 ay mga mag-aaral at 13% naman ang mga titser at propesor.
Matatandaang sa pagbubukas ng mga paaralan, ay sinigurado ang pagkakaroon ng mga anti-covid safety measures para sa kaligtasan ng mga mag-aaral kabilang na dito ang paggamit ng monobanco o single chair desk o ang hinati ang klase sa dalawang grupo upang magkaroon ng social distance sa loob ng mga classroom o ang paggamit ng didattica a distanza bilang alternaitbo.
Ang ilang paaralan naman ay nagsimula sa paggamit ng rapid test na nagbibigay ng resulta sa loob lamang ng 15 minutos.
Basahin din:
- Back to School, ang mga dapat malaman
- Positibo sa Covid19 sa Italya, dumadami. Back to School, kinatatakutan ng mga magulang