Sa ika-21 taon ng pagdaraos ng RACE FOR THE CURE ng SUSAN KOMEN FOUNDATION sa buong mundo, malaking pagbabago ang pagdaraos sa taong ito. Dahil sa COVID19 pandemiko, magiging virtual ito, o sa madaling salita ang mga grupo at indibidwal na lumalahok ay hindi magkakasama-sama nang maramihan kundi sa pamamagitan ng pagdaraos ng kani-kanilang aktibidad. Ayon nga sa imbitasyon at publisidad, maaaring magsagawa ng maliitang pagtitipon na may kani-kaniyang tema at lugar at kanilang ibabahagi sa pamamagitan ng social media at isasama sa dokumentasyon ng RFC. Maaaring gawin sa mga parko o gymnasium kung Zumba o ehersisyo o simpleng pamamasyal nang sama-sama, sa mga kusina kung pagluluto naman, mga studio kung pagdidisenyo, pananahi o forum naman ukol sa health awareness. Ang mahalaga ay ang konsepto ng pagkakaisa at adbokasiya at suot ang opisyal na t-shirt ng Race for the Cure. Pahahalagahan din ang mga pag-iingat gaya ng social distancing, suot na face mask o shield at paggamit ng hand sanitizer.
Sa Bologna, ito ay idinaos ng ika-25,26 at 27 ng Setyembre, 2020, sa Giardini Margherita kung saan ay naroon rin ang kanilang booth na tatanggap ng mga donasyon at magbibigay ng shirt at bag, nabawasan nga lang ng marathon paikot sa sentro dahil na rin sa restriksyon ng COVID ukol sa social gathering o asembliya.
Ang mga grupo ng mga Pilipino ay sumama pa rin gaya ng mga nakaraang taon, nang magsimula ito mula sa apat na opisyal na nagpalista noong taong 2013 at nadagdagan ng sumunod na mga taong 2014 at 2015. Nakilahok na rin ang asosasyong Filipino Women’s League ng taong 2016 at naipasok ang SQUADRA FILIPPINE bilang opisyal na grupo, sa pangunguna ng Team Captain na si MERCEDITA DE JESUS, kasama na rin ang iba pang miyembro ng Filipino community. Taon-taon ay may tema ang kanilang gayak, gamit ang kulay rosas sa suot na sombrero, bandana o bulaklak.
Sa taong ito, idinaos nila ang partisipasyon ng team sa Giardini Margherita pa rin, na may temang “WALKING TOGETHER, CARING FOR EACH OTHER”, kung saan ay naglaan sila ng panalangin sa mga naging biktima ng kanser, sa mga kasalukuyang nagpapagamot at sa ibang nagsigaling na. Sama-sama silang naglakad palibot sa parko, nag-Zumba sa pangunguna ni ZIN EDILYN MENDOZA at sinalihan din ng mga taong nasa paligid partikular na ang mga bata na tuwang-tuwa sa kanilang partisipasyon.
Taong 2015 naman nang magsimulang lumahok sa Zumba Jazzercize, ang activity sa loob ng Giardini Margherita sa ikalawang araw nito, ang mga miyembro ng Zumba Fitness class ni MARIFI PAET, sa ilalim ng grupo ng Zumba for Life. Nang sumunod na taon ay sumali na rin ang iba pang grupo ng Zumba gaya ng Hyper Megara Fitness Club. At nitong taong 2020, ay lumahok na bilang isang team ang HYPER MEGARA sa pamumuno ni HAZEL MAGDAMIT. Mahalaga kay Hazel ang adbokasiyang ito dahil ang mismong kanyang ina ay nagkaroon din ng kanser sa suso at ngayon ay isa nang survivor. Kung kaya’t hinikayat niya ang kanyang mga miyembro na magkaroon ng partisipasyon at pangalagaan na rin ang kanilang kalusugan.
Maagang idinaos ng Team HMFC ang kanilang aktibidad, noong ika- 20 ng Setyembre, 2020, ika-10 ng umaga, sa Polisportiva Pontevecchio sa via Carlo Carli, na dinaluhan din ng presidente ng RFC Bologna, na si Propesora CARLA FARELLI, kasama ang dalawa pang volunteers. Nagpasalamat siya sa mga Pilipinong nagpapatuloy sa pagsuporta sa adbokasiya.
Naroon din upang sumuporta ang pangulo ng Federation of Filipino Associations ng Bologna, na si VIRGILIO CESARIO at JOY ALVAREZ ng Laguna and Friends Association.
Ang adbokasiyang ito ay para sa mga naging biktima ng kanser, sa mga kasalukuyang dumaranas ng paghihirap na dulot nito, sa mga nagsigaling at sa mga kaanak nila na patuloy sa pangangalaga at pag-unawa sa sitwasyon. Ang malilikom na pondo ay nakalaan sa mga pag-aaral ukol sa lunas, sa mga konsultasyon, gamutan at iba pang proyekto ng SUSAN KOMEN FOUNDATION.
Patuloy ang pakikilahok ng mga Pilipino sa mga gawaing katulad nito dahil isa rin itong pamamaraan ng integrasyon at batid natin na marami na rin sa ating mga kababayan ang naging biktima o kaya ay kasalukuyang nagpapagaling kaya kailangan ang tamang impormasyon ukol sa sakit na kanser at sa prebensiyon nito. (Dittz Centeno-De Jesus)