Simula Nov 3 ay maaaring mag-aplay ng pinakahihintay na Bonus Bici, ayon sa Ministero dell’Ambiente.
Para matanggap ang buono mobilità o ang rimborso kung nakabili na, ay kakailanganing mag-register sa itinakdang App na aktibo simula Nov 3.
Ang bonus mobilità, mas kilala sa tawag na bonus bici, ay napapaloob sa DL Rilancio. Layunin nitong hikayatin ang mga mamamayan sa isang pagbabago sa paraan ng mobility partikular sa mga malalaking lungsod sa bansa.
Ang bonus bici ay tumutukoy sa 60% na tulong mula sa gobyerno, sa pagbabayad ng halaga ng bisikleta na hindi hihigit sa € 500. Ang Invoice o fattura ay mahalaga sa pagtanggap ng bonus.
Ayon sa dekreto, ay maaaring mag-aplay ang mga bibili at mga nakabili na ng sumusunod:
- Bicicle – brand new o used, tradisyunal o electric;
- Handbike – brand new o used;
- Electric scooter o monopattino, hoverboard, segway
Mayroon itong dalawang bahagi. Sa una ay ang aplikante ang bibigyan ng 60% refund ng nagastos sa pagbili ng isa sa mga nabanggit sa dekreto at ang ikalawa naman ay ang aplikante ang magbabayad ng 40% sa pagbili at ang binilan ang makakatanggap ng 60% refund.
Maaring mag-aplay ng bonus bici ang mga mamamayan mula 18 anyos at residente (hindi domicilio) sa mga kabisera ng mga Rehiyon (kahit mas mababa sa 50,000 ang mga residente), kabisera ng mga Probinsya (kahit mas mababa sa 50,000 ang mga residente), mga Comune (na may higit sa 50,000 ang mga residente) at mga Comune ng 14 na Città metropolitane (kahit mas mababa sa 50,000 ang mga residente) tulad ng Bari, Bologna, Cagliari, Catania, Firenze, Genova, Messina, Milano, Napoli, Palermo, Reggio Calabria, Roma Capitale, Torino, Venezia.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang official website ng Ministero dell’Ambiente.