Ang bagong Circular ng Ministry of Health noong October 12, 2020 ay nagbibigay ng mga bagong indikasyon ukol sa duration o panahon ng isolation o quarantine, batay sa mga pag-aaral sa ebolusyon ng kasalukuyang pandemya at mga bagong scientific evidences pati na rin sa indikasyon ng World Health Organization at opinyon ng CTS (Comitato Tecnico Scientifico).
Una sa lahat nilinaw ng Circular ang pagkakaiba ng salitang Isolation at Quarantine.
Ang Isolation ay tumutukoy sa paghihiwalay sa karamihan o komunidad ng mga infected ng coronavirus sa panahong nakakahawa ito, sa lugar at kundisyon na maiiwasan ang pagkalat nito.
Ang Quarantine naman ay tumutukoy sa pagbibigay limitasyon sa movement ng mga hindi infected na tao sa panahon ng incubation period, na maaaring napalapit o nagkaroon ng close contact sa taong infected. Layunin sa panahong ito na bantayan ang paglabas ng anumang sintomas at maiwasan ang nakahawa ng ibang tao.
Bukod dito ay nasasaad din sa Circular ang mas maigsing panahon ng Isolation at Quarantine, pati na rin ang bilang ng tampone o swab test.
Positibo na walang sintomas o Positivi asintomatici
Hindi bababa sa 10 araw na isolation mula sa araw na nag-positibo sa virus at 1 tampone molecolare. (10 araw + tampone)
Positibo na mayroong sintomas o Positivi sintomatici
Hindi bababa sa 10 araw na Isolation, kung saan ang 3 araw nito ay wala ng sintomas at 1 tampone molecolare. (10 araw – huling 3 ay walang sintomas – + tampone)
Positibo ng mahabang panahon
May pagkakataong nagtatagal na positibo sa covid19. Sa ganitong kaso, magtatapos ang Isolation makalipas ang 21 araw, kung wala ng sintomas ng isang linggo o 7 araw.
Close contact sa mga infected
Sa pagkakaroon ng close contact sa taong infected ng covdi19 ay kailangang gawin ang sumusunod:
- 14 araw na quarantine mula sa huling contact sa infected person;
- 10 araw na quarantine mula sa huling contact sa infected person at sumailalim sa test antigenico o molecolare (negative) sa ika sampung araw.
Narito ang mga tagubilin sa Circular:
- Gawin ang tampone sa pagtatapos ng quarantine, ng lahat ng kasamang naninirahan o may close contact sa mga taong itinururing na ‘in rischio’.
- Hindi isasailalim sa quarantine o anumang test ang mga ‘contatti stretti dei contatti stretti’ o sa madaling salita ay hindi naman nagkaroon ng direct contact sa kumpirmadong positibo, maliban na lamang kung ang close contact ay magresultang positibo rin. Sa pagkakataong ito ay kakailanganin ang screening ng buong pamliya/komunidad;
- Gamitin ang App Immuni upang makatulong sa contact tracing. (PGA)