Pinirmahan kahapon ni Mayor Virginia Raggi ang isang ordinansa na magsasara sa ilang plasa ng kapital, mula ngayong araw Biyernes simula alas 9 ng gabi hanggang alas 12 ng hatinggabi.
Ang mga plasa na ay tanyag na lugar sa mga social gatherings ng mga kabataan o ang tinatawag na Movida o night life. Ito ay ang Campo de’ Fiori at Piazza Trilussa sa Trastevere, Piazza Madonna de’ Monti at ang Via del Pigneto at Via Pesaro.
Ang sinumang lalabag ay mumultahan mula € 400 hanggang € 1000.
Gayunpaman, ang pagsasara sa ilang plasa ay maituturing na isang trial test na maaaring palawigin sa susunod na linggo, dahil nananatiling bukas pa rin ang ilang paboritong tambayan sa gabi ng mga kabataan tulad ng Ponte Milvio, via Galvani sa Testaccio, piazza dell’Immacolata e scalo San Lorenzo, piazza dei Mirti sa Centocelle, piazza Cavour sa Prati at piazza Euclide sa Parioli.
Ayon kay prefect Matteo Piantedosi, layunin umano sa pagsasara ng mga plasa ay ang mapagbawalan ang mga social gatherings at hindi ang magpakontrol sa mga militar.
Bukod sa nabanggit na ordinansa, inaasahan ang isa pang ordinansa sa pagpapasara naman ng mga ‘minimarket’ ng alas 7 ng gabi kapag araw ng linggo sa halip na alas 9 ng gabi at ang pagbabawal magbenta ng mga inuming nakakalasing.
Matatandaang kana-on ay pinirmahan naman ni Governor Nicola Zingraretti ng Lazio region ang pagpapatupad ng curfew na mgasisimula ngayong araw.
Ang pagsasara ng plasa ay bahagi ng mga anticovid19 preventive measures ng pinakahuling DPCM ni Italian Prime Minister Giuseppe Conte. (PGA)