Mabilis na pinauwi ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang PH ambassador sa Brazil dahil sa alegasyon ng pagmamalupit sa kaniyang kasambahay na Pinay doon.
Ayon sa mga ulat, inatasan ng DFA ang embahador na si Marichu Mauro na agad bumalik ng Pilipinas, matapos lumabas ang video footage na nagpapakita ng pananakit ni Mauro sa kasambahay.
Sa ulat ng Brazilian media na GloboNews na naglabas ng video, sinabing ang biktima ay 51-anyos na Pinay at nakatira sa official residence ni Mauro.
Makikita sa video habang sinasampal, pinipingot at pinapalo ng payong ni Mauro ang kasambahay.
Ang nabanggit na household worker ay nakauwi na umano ng Pilipinas noong October 21, habang kinokontak ng gobyerno upang matiyak na maayos ang kanyang kalagayan at hingin ang kooperasyon sa imbestigasyon.
Nakatalaga si Mauro sa Brazil bilang Embahador ng Pilipinas mula pa noong 2018 at saklaw din ang mga bansang Colombia, Guyana, Suriname at Venezuela.
Nananatiling wala pang pahayag si Mauro tungkol sa insidente.
Matatandaang si Mauro ay apat na taong nagsilbi bilang Consul General sa PCG Milan, mula 2014 hanggang 2018.