Lumabas sa ilang mga pahayagan sa Italya ang pagpasok sa bansa ng kilalang Don Papa Rye Aged Rum mula sa Negros island, ang ika-apat na pinakamalaking isla ng Pilipinas.
Ang kalimitang pumapasok sa isip ng karamihan kapag ang usapan ay agrikultura ay ang pagtatanim o kaya’y paghahayupan. Lingid sa kaalaman ng lahat, may isa pang produkto ang napapaloob sa kategoryang ito na may pang internasyonal na halaga: ang alkohol.
Maraming taon na ang lumipas mula nang nagsimulang magpatalbugan sa merkado ng mga kilalang “spirit” ang iba’t-ibang bansa. Kalimitan, ang rum ay konektado sa mga kilalang bansa tulad ng Jamaica at Brazil. Ang nagdala ng bandila ng Pilipinas ay ang kilala na ngayong Don Papa Rum na isinilang noong taong 2012 sa Negros Island.
Saan nga ba galing ang partikular na rum na ito?
Upang magkaroon ng malaking produksyon nito, ang bansa ay kinakailangang may malaking panustos ng kanyang raw materials. Ang rum ay galing sa katas ng tubo’ at sa aspektong ito ay hindi magpapahuli ang Perlas ng Silangan. Ang Pilipinas ay isa sa pinakamalaking sugarcane producer sa buong mundo. Ayon sa naitala ng mga eksperto, noong taong 2019 ang Pilipinas ay nasa ika-13 posisyon sa buong mundo pagdating sa usapan ng sugarcane production. Dahil dito, ang industriya ng nasabing sektor ay may malaking kontribusyon sa ekonomiya ng bansa na tinatayang umaabot sa 70 bilyong pesos sa loob ng isang taon.
Ang Negros ay kilala sa kadahilanang ang halos nasa 51% na taniman ng tubo’ ay nasa rehiyong ito dahilan upang makilala ang islang ito ng Pilipinas bilang main producer ng “premium rum“. Ang tubo’ dito ay may mataas na uri dahil sa halumigmig o humidity at yaman ng lupa dulot ng mga mineral na bigay ng Bulkan Kanlaon, isa sa tatlong pinakaaktibong bulkan ng bansa.
Ngunit ano nga ba ang rum? Ito ay isang uri ng alak o nakakalasing na inumin na nakukuha matapos ang pagbuburo o fermentation at distillation ng katas ng tubo’ o mas kilala sa tawag na molasses. Ito ang makapal na brown syrup na natitira matapos na ihiwalay ang asukal sa katas ng tubo’. Inilalagay ang katas na ito sa loob ng oak barrel ng matagal na panahon at dipende sa taas ng grado ng alkohol ay nagiging kulay amber ito, kulay na nalalapit sa kulay ng ginto at manamis namis na lasa.
Ang kumpanyang gumagawa ng Don Papa rum ay ang Bleeding Heart Rum Company. Ayon sa Brand Manager ng kumpanya, nagsimula umano ang Don Papa sa ideya ng tatlong bakasyunista sa Negros na sina Stephen Carroll, Monica Llamas Garcia, at Andrew Garcia. Sa kanilang pamamalagi sa islang ito ay napuna nila ang sobrang dami ng tubo’ at lumabas ang isang mahalagang tanong na parang “magic word” sa kanila: “Kung ganito karami ang tubo’ sa lugar na ito, nasaan ang premium rum?” Si Carroll ay dating executive sa French spirits group Rémy Cointreau, samantalang ang dalawa naman ay mga eksperto sa marketing. Ang tatlong ito ang maituturing na pundadores at ang kombinasyon nilang tatlo ang nagbigay buhay sa Don Papa.
Isa pang kuryusidad: saan hango ang pangalang Don Papa? Ang rum na ito ay isinunod sa pangalan ni Dionisio Magbuelas o mas kilala bilang Papa Isio, isang magiting na pinuno mula sa Negros Occidental noong panahon ng rebolusyon at ang huling sumuko sa mga Amerikano sa panahon ng digmaan.
Sa paglipas ng mga taon ay nakilala na nga ang rum na ito sa iba’t-ibang panig ng mundo hanggang sa makarating ito sa bansang Italya.
Kamakailan lamang ay opisyal na ipinakilala sa Roma, sa The Sanctuary, ang limited edition na Don Papa Rye Aged Rum na may kakaiba at kalugod-lugod na lasa. Manamis namis at swabe sa panlasa ng mga mahilig sa rum. Ang nabanggit na uri ng Rum ay umaabot sa 45% ang alcohol.
Para sa kaalaman ng lahat ng kababayan sa Italya: ang isang bote ng Don Papa Rye Aged Rum na 70cl ay nagkakahalagang 60euros, higit na mas mahal kesa sa mga entry-level na rum sa Italya. (Quintin Kentz Cavite Jr)