Kailangan ba ng mask? May pahintulot bang mag-angkas?
Parami ng parami ang mga gumagamit ng bisikleta at motor sa araw-araw upang maiwasan ang pagsakay sa public transportation. Ngunit dahil sa mga restriksyon na nasasaad sa huling DPCM, ilan lamang ang mga nabanggit sa mga katanungan ng mga gumagamit ng bisikleta at motor.
Sa katunayan ay mayroong mga regulasyon na dapat sundin at ang paglabag sa mga ito ay may mapait na multang katumbas. Multa mula €533,33 hanggang € 1.333,33 sa sinumang hindi susunod sa nasasaad sa batas. Bukod dito, ay idadagdag ang paglabag sa Codice della strada sa kasong may ibang paglabag.
Una sa lahat, para sa mga gumagamit ng motor ay kailangang sundin ang 2 pangunahing regulasyon. Una ay ang pagsusuot ng mask sa loob ng helmet. Ito ay isang regulasyon para sa lahat ng gumagamit ng motor, marahil dahil mayroong ilang helmet na bukas sa bahagi ng bibig. Ang ikalawa ay ang pag-aangkas ng mga conviventi lamang o mga kasamang naninirahan sa iisang bahay. Ito ay nangangahulugan na maaaring i-angkas ang anak sa paghahatid sa paaralan o ang pag-aangkas sa asawa upang samahan itong magpunta sa grocery ngunit malinaw na hindi pwedeng i-angkas ang kasama sa trabaho o kaibigan.
Ayon sa gobyerno, persone conviventi o mga kasama sa bahay lamang at hindi ‘congiunti’. Samakatwid, ito ay nangangahulugan lamang na hindi maaaring i-angkas ang nobyo o nobya kung sila ay hindi pa nagsasama sa iisang bahay.
Para sa mga gumagamit ng bisikleta, nasasaad sa faq o frequently asked question ng huling DPCM, “ay pinahihintulutan ang paggamit ng bisikleta para makarating sa trabaho, makabalik sa tahanan at ang makapunta sa mga negosyo ng pangunahing pangangailangan“. Bukod dito ay pinahihintulutan din ang paggamit ng bisikleta bilang isang sport activity sa outdoor sa kundisyong malapit lamang sa sariling tahanan at napapanatili ang social distance ng dalawang metro. Pinahihintulutan din ang pag-angkas ng anak sa pagkakaroon ng angkop na angkasan, Pinahihintulutan din i-angkas ang kapatid sa kundisyong may suot na mask. (PGA)