Ayon sa mga pinakahuling ulat, humigit kumulang 700,000 katao sa Italya ang nasa mandatory self-quarantine. Ito ay nangangahulugan na maaaring isa sa ating kaibigan, kakilala, kamag-anak, kasama sa Community o sa Association, ay nagkaroon ng ‘contatto stretto’ sa nag-positibo sa Covdi19, at kinakailangan din na manatili sa bahay, lumayo muna kahit sa sariling pamilya, bantayan ang kalusugan hanggang sa matapos ang quarantine at magkaroon ng risulta ang tampone o swab test. Mga taong posible na mag-positibo din sa covid19 at marahil ay makaranas ng paghihirap sa araw-araw na pamumuhay, partikular kung buong pamilya ang nasa mandatory quarantine. Kadalasang nalulutas naman sa tulong at suporta ng ibang tao. Simpleng bagay, tulad ng pagtatapon ng basura, paggo-grocery, paglalabas ng pet, pagbili ng gamot at iba pa.
Narito ang practical tips kung paano gagawin ang mandatory self-quarantine:
- Una sa lahat ay huwag ikahiya o itago ang kasalukuyang sitwasyon. Ang coronavirus ay walang pinipili at dapat agapan dahil sa mabilis na pagkalat nito, partikular sa loob mismo ng pamilya o ng komunidad.
- Upang maiwasan na posibleng mahawa ang ilang kasama sa bahay, ay kailangang bawasan o iwasan muna ang anumang contact sa kanila, tulad ng pagtulog muna mag-isa sa kwarto. Ang silid ay kailangan ding pahanginan ng madalas o ‘cambiare aria’. At ipinapayo ang paggamit ng mask sa tuwing makakasalamuha ang ibang kasama sa bahay. Paalala: Panatilihin palagi ang distansya ng 1 metro.
- Kung maaari lamang ay may sariling banyo na gagamitin ang nagka-quarantine. Kung imposible naman, ay ipinapayong gumamit ng disposable gloves tuwing papasok sa banyo ang nagka-quarantine. Pagkatapos ay ang pahanginan ito, gumamit ng detergent na may chlorine o 70% alcohol para ma-disinfect. Punasan ang bahaging madalas hawakan ng kamay tulad ng sindihan ng ilaw, hawakan ng mga pinto, mga gripo at iba pa.
- Iwasan din ang paggamit ng bagay na ginagamit din ng ibang kasama sa bahay tulad ng towel, beddings, plates, glasses, utensils. Hangga’t maari ay ihiwalay muna sa pagkain ang nasa-quarantine.
- Kung sakaling buong pamilya o lahat ng nakatira sa iisang bahay ang naka-quarantine, wala kahit isa sa miyembro ng pamilya ang maaaring lumabas ng bahay, kahit pa sa pagbili ng gamot at pagbili ng pagkain. Isang option ang pagbili ng gamot o grocery online. Kailangan lamang ang maging maingat sa pagtanggap nito mula sa magdedeliver. Maaari ring tumawag sa iba’t ibang asosasyon tulad ng Red Cross na simula noong nakaraang Marso ay mayroong mga volunteers. Maaaring tawagan at humingi ng tulong sa mga kasama sa Community o Assosasyon. Gayunpaman, ipinapayong iwasan ang anumang contact upang maproteksyunan ang mga taong tumutulong. Gumamit ng paper bag o maglagay ng maliit na upuan sa labas ng bahay bilang lalagyan ng lahat ng bagay mula sa mga tumutulong tulad ng lutong ulam, groceries, gamot at iba pa.
- Para sa mga mayroong pet o animali domestici, ipinapayong iwasan din muna ang contact dito. Sa kasong buong pamilya ay nagka-quarantine, ipagkatiwala muna ang alaga sa mga asosasyon o kaibigan upang maalagaan at maibigay din ang pangangailangan ng alaga, tulad ng paglalabas dito sa araw-araw.
- Kailangan ding bigyan ng atensyon ang pagtatapon ng basura. Ayon sa ISS o Istituto Superiore di Sanità, hindi kailangan gawin ang differenziata o ang paghiwa-hiwalay ng mga basura. Sapat na isarang mabuti ang basura, sa pamamagitan ng paglalagay nito sa isang pang plastic bag at gamit ang disposable gloves ay ibigay ito sa servizio a domicilio na ibinibigay ng serbisyo ng Comune kung saan residente. (PGA)
Basahin din:
- ‘Contatto stretto’ sa isang positibo. Ano ang dapat gawin? Kailan dapat magpa-tampone?
- Sintomas ng Covid19? Narito kung paano magpapagaling sa bahay