Ang mga serye ng bagyong dumaan sa ating bansang Pilipinas, sa gitna ng pandemya, ay isang napakabigat na sitwasyon sa mga mamamayang Pilipino. Partikular sa mga bagyong ito, ang Rolly at Ulysses ay tumama sa Kabikulan, rehiyong Cagayan Valley at Cordillera, maging sa Kamaynilaan, Bulakan at iba pang bayan. Higit ang pananalasa ng dalawang bagyong ito kung kaya’t ang mga dike ay napagpasiyahang magpakawala ng tubig at ang pag-apaw ng mga ilog na nagresulta ng pagbaha. Nagkaroon man ng mga paghahanda sa mga probinsiyang maaapektuhan, malawak pa rin ang naging pinsala nito. Daan-daang pamilya ang nagsilikas, nasira ang kabahayan at nawalan ng kabuhayan, ang mga pananim ay walang pinakinabangan. Ang pinakamasakit pa ay ang mga namatayan ng kaanak.
Gaya ng mga nakaraang mga kalamidad, ang Filipino communities sa iba’t ibang panig ng mundo ay nagsipagkusa na magkaroon ng mobilisasyon, ito ay ang pagpapadala ng mga donasyon sa mga probinsiyang naapektuhan na nalikom nila mula sa mga kababayan at mga organisasyon. Nagkaroon ng mga iba’t ibang pamamaraan, sabi nga, kahit ano at paano ay kakayanin ng mga Pilipino, makatulong lang sa kapwa nito.
Ilan sa mga ito ay ang bigayan ng kontribusyon ng mga miyembro ng mga samahan, pagtitinda ng pagkain o mga gamit at bahagi nito ay inilalaan para sa donasyon, mayroon ding nagsasagawa ng Art for a cause, kung saan ay nagbebenta ng kanilang mga obra, ang iba naman ay direktang nagpadala sa mga biktima lalo at kung sa mismong mga kaanak na naapektuhan.
Anumang pamamaraan ay iisa lamang ang layunin, ang makapaghandog ng tulong.
Sa Pilipinas, maraming mga non-government organizations at mga samahang sibiko ang patuloy sa kanilang adbokasiya ng pagtulong. May food brigade na nagsasagawa ng pangangalap ng suplay ng pagkain at inumin, pagluluto at saka distribusyon sa mga evacuation centers. Mayroon ding nagsusupot ng mga food pack, hygiene kit, mga damit at iba pang nesesidad at kanilang pinamimigay. May medical mission din para naman sa pagbabantay sa kalusugan ng mga evacuees dahil alam naman natin na panahon pa rin ng pandemya at dobleng pag-iingat ang kailangan.
May mga grupo din ng mga artista, mga pulitiko, at pribadong mamamayan na nagsasagawa din ng pagdalaw sa mga lugar na nasalanta, dala ang kanilang mga donasyon at kabahagi din dito ang tulong ng ibang mga mamamayan.
Ilan sa mga maaasahan at mapagkakatiwalaang grupo na nangangasiwa sa distribusyon ay ang grupong Taripnong Cagayan Valley na may panawagang Tulong-Sulong. Sa kahulugang Tagalog, ang Taripnong ay asembleya o kanlungan. Ang kanilang samahan ay naka-base sa Metro Manila at kalapit-bayan ngunit ang misyon ay nakapokus sa proteksiyon ng mga karapatan at kagalingan ng mga mamamayan sa Cagayan Valley Region.
Ang isa naman ay grupo ng mga kabataan, ang KASIYANA (We Shall Overcome) Youth in Action, isang network ito ng mga kabataan mula sa Cordillera na nagsasagawa ng kanilang misyon sa mga komunidad na malapit sa umapaw na Chico River, sa Mt. Province at sa Kalinga, maging sa mga pataniman sa North Benguet na siyang tinamaan din ng bagyo. Ang Kasiyana ay sa ilalim ng Tulong Kabataan na nagsasagawa ng mga relief operations at may mga volunteers ito na nagsasaayos ng mga natatanggap na donasyon para sa maayos na pamamahagi.
Tayong mga Pilipino, kilala sa pagiging matatag sa pagharap sa anumang kalamidad at pagiging bukas-palad sa pagbibigay sa mga nangangailangan. Iyan ang dalawa sa mga positibong katangian ng ating lahi.
Patuloy ang adbokasiya ng pagtutulungan at sabi nga sa wikang Ingles, “We shall Overcome”. (Dittz Centeno-De Jesus)
Para sa mga nais magbigay ng donasyon: