Sa tawag ng paghingi ng tulong sa panahon ng kalamidad ay mabilis na aksyon ang tugon ng isang komunidad ng mga pilipino sa Italya. Matatandaan, maraming kabahayan ang nasira at ang mga residente ay inilikas matapos manalasa ang ilang bagyo, kasali na ang super typhoon Rolly na itinuturing na pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayong taon. Ang pinakahuli ay ang bagyong Ulysses na nagdala ng baha sa maraming paning ng kapuluan ng Pilipinas.
Sa harap ng emerhensyang ito, hindi nagdalawang isip ang Filcom Genova na magpaabot ng kanilang tulong. Ang kanilang outreach program ay nagkaroon ng maraming beneficiaries dahil naabot nito ang lugar ng Cagayan at ilang pang probinsya matapos magpaabot ang mga ito ng panawagan na tulungan silang mga nasalanta ng bagyo.
Isa ang Barangay T. Elizaga Gattaran Cagayan ang naabot ng relief aids sa pakikipagtulungan ng Anchor Holding Christian Fellowship o ACF Team sa pamumuno ni Pastora Hazel Tamayo Castillo at pakikipagtulungan ng butihing kapitan ng barangay na si Hon. Mario Deus.
Ang Barangay Saog, sa Marilao, Bulacan naman ay malaki ang pasasalamat sa dumating na ayuda. Ang inisyatibang ito ay pinangunahan ni Danilo Silva Jr., anak ng isa sa mga opisyales ng FILCOM na si Cynthia Santos. Nakipagtulungan din ang Punong Barangay ng Saog na si Kapitan Segundo Angeles upang maging maayos ang pamamahagi ng tulong ng mga taga Genova.
Dalawa pang lokalidad ang naabot ng matulunging kamay ng Filcom Genova. Bakas sa mukha ang saya ng mga naabutan ng tulong dahil sa maraming food packs na ipinamahagi sa Lolomboy at Paombong, parehong nasa Probinsya ng Bulacan.
Hindi pa nagtatapos ang “operasyon tulong” ng samahan sa mga naisagawang outreach. Sa kasalukuyan ay nakikipagugnayan pa ang komunidad sa SK Chairman na si Guian Carlos Peñaflor Cole na nagpaabot ng magandang intensyon na ito sa kanilang Barangay Captain na si Hon. Ronaldo Loresca. Nais magpaabot ng tulong ang Filcom sa mga pamilyang nasa evacuation center at ito ay planong gawin sa covered court sa Barangay Buli sa Muntinlupa.
Bukod sa mga lugar na nabanggit ay nagpaabot din ng relief goods ang komunidad sa mga kamag-anak ng mga miyembro ng samahan na nakatira sa Marikina, Isabela, Pampanga, Sta. Rosa Laguna at sa Quezon City.
Sa nakalap na pondo na umabot sa Eur 1,400.00 ay marami ang nakatanggap ng tulong at food assistance. Pasasalamat ang nais iparating ng FIlcom Genova sa lahat ng mga miyembro na nakiisa sa operasyong ito lalong-lalo na sa mga key persons na sina Lynet Simon mula sa Gattaran Cagayan Valley, Richard Cole mula sa Muntinlupa, at si Cynthia Santos na mula sa Marilao,Bulacan.
Pahayag ng Presidente ng Filcom Genova na si Nonie Adena “Ginawa namin ang mga outreach na eto para iparamdam sa mga kapamilya ng mga naapektuhan ng bagyo Ulysses na ang Filipino Community in Genova, Italy at mga bumubuo nito ay andito malapit sa kanila., karamay sa kanilang kalungkutan at hirap na kinakaharap nila.”
Ang mga ganitong inisyatiba ay patunay lamang na hindi pa rin nawawala ang “bayanihan spirit” sa puso ng mga pinoy lalo na sa panahon ng krisis.
Samantala, patuloy ang FILCOM Genova sa paghahanap ng pamamaraan at pagkolekta ng mga tulong para tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga naapektuhang residente ng ilang probinsya hinagupit ng super typhoon.
Totoo nga ang kasabihan na kung may pusong handang tumulong sa kapwa, hindi problema ang distansya, malayo ma’y malapit din!
(Quintin Kentz Cavite Jr. – Info & Photo: Nonieta Adena)