Iniatras ng direktor ng Maria Vittoria e Amedeo di Savoia hospital sa Torino, ang ipinalabas nitong internal circular. Nasasaad dito ang pagsusuplong sa pulis sa kasong may ma-admit na dayuhang undocumented o walang permesso di soggiorno.
Ang pagsusuplong sa mga dayuhang undocumented ay umani ng maraming batikos at naging dahilan ng agarang pag-aatras nito. Mabilis ding nagpadala ng kominukasyon ang direktor sa Asl ng Città di Torino. Ayon sa komunikasyon, hindi nabigyang konsiderasyon ang mga huling ipinatutupad ng batas. Hindi ito umano nabigyan ng wastong interpretasyon.
Sa katunayan, ay pinawalang-bisa matapos ang 48 oras ng ipalabas ang kautusan. Ito umano ay hindi naman naka-apekto sa sitwasyon ng mga pasyenteng dayuhan na nasa kanilang pangangalaga sa ngayon. Wala din umanong intensyon ng diskriminasyon bagkus ay laging handang magbigay serbisyo ang nasabing ospital sa lahat ng mga mamamayan – Italyano o dayuhan, documented o hindi.
Gayunpaman, nagpalabas din ng komunikasyon ng ASL ng Citta di Torino, kung saan sinisigurado ang serbisyong pangkalusugan sa lahat ng mga dayuhan, kasama ang mga walang permesso di soggiorno.
Nasasaad sa Testo Unico per Immigrazione na kahit ang mga dayuhang undocumented o walang regular na permesso di soggiorno ay mayroong access sa lahat ng serbisyong pangkalusugan at hindi maaaring maging dahilan ng pagsusuplong sa awtoridad. (PGA)