Tumaas ang halaga ng gastusin para sa repatriation ng mga migrante na nahuhuling undocumented o hindi regular ang pananatili sa Italya. Mula € 1,398.00 ay tumaas ito sa halagang € 1,905.00. Ito ay itinalaga sa pamamagitan ng isang dekreto ng Head of Police na inilathala sa Official Gazette kamakailan.
Ang halagang nabanggit ay isang parusa na ipinapataw sa mga employer sa paglabag sa pagbabawal na mag-empleyo ng isang undocumented o hindi regular ang sitwasyon ng pananatili sa Italya.
Ang halaga ng repatriation ay ina-update taun taon at sa pagtatalaga nito ay isinasaalang-alang ang kabuuang gastusin taun-taon sa mga pinapauwing mga dayuhan at ang aktwal na bilang ng mga pagpapauwi na naisagawa na.
Ang average amount ay nadagdagan ng 30% dahil isinasaalang-alang din ang mga gastusin na nauugnay sa paghahatid at page-escort sa mga dayuhan. Para sa taong 2021, ang halaga ay € 1,905 kasama ang mga pagtaas sa gastusin sanhi ng Covid.