Matapos ang ilang araw na paghihintay ay inaprubahan ngayong umaga ang bagong dekreto anti-covid19 sa panahon ng Mahal na Araw. Samakatwid ay walang bagong DPCM dahil naniniwala si Punong Ministro Draghi at ang gobyerno nito na mahalagang kasama sa desisyon ang Parlyamento at ang mga partido.
Narito ang nilalaman ng bagong dekreto
Zona rossa sa April 3,4 at 5
Opisyal na sasailalim muli ang buong Italya sa zona rossa. Ito ay nangangahulugan na ang paglabas ng bahay sa mga araw ng Holy Saturday, Easter Sunday at Easter Monday ay ipinagbabawal. Lahat ay mananatili sa kanya-kanyang tahanan, kasama ang sariling pamilya. Nananatiling may pahintulot ang dahilan ng trabaho, kalusugan at pangangailangan na dapat patunayan sa pamamagitan ng Autocertificazione.
Kahit ang Sardegna, na nag-iisang rehiyon sa zona bianca, sa mga araw ng April 3,4 at 5 ay kailangang sundin ang nabanggit na bagong patakaran.
Pagtatanggal sa zona gialla
Bukod dito mula March 15 hanggang April 2 at April 6, ay tatanggalin ang zona gialla. Lahat ng rehiyon na nasa zona gialla ay magiging zona arancione. Ang Sardegna ay mananatili sa zona bianca.
Pamantayan ng mga zona rossa
Ibinaba rin ang Rt mula 1,5 sa 1,25 bilang pamantayan ng zona rossa. Ito ay nangangahulugan na lahat ng mga rehiyon na mayroong mula 250 kaso ng covid19 sa bawat 100,000 residente ay mapapabilang sa zona rossa. Ito ay nangangahulugan na ang mga datos ng weekly monitoring ng ISS na inilabas kahapon, Biyernes ay gagamitin na simula sa Lunes, March 15. Binigyan din ng karapatan ang mga rehiyon na tukuyin ang mga lugar na dapat isailalim sa zona rossa.
Curfew
Samantala, ang oras ng curfew ay mananatiling mula 10pm hanggang 5am. Samakatwid ay walang anumang pagbabago. (PGA)