Ang Autocertificazione ay muling nagbabalik bilang mahalagang dokumento sa kasalukuyan. Ito ay muling magiging bahagi ng pang-araw-araw na pamumuhay ng marami dahil sa mga bagong restriksyon at kailangang gamitin sa ilalim ng bagong dekreto, simula March 15, 2021.
Autocertificazione
Ang Autocertificazione ang magpapatunay ng dahilan na pinahihintulutan ng batas sa tuwing lalabas ng bahay sa zona rossa at zona arancione tulad ng trabaho, kalusugan at pangangailangan.
Tandaan na ayon sa regulasyon, ang mga deklarasyon sa pirmadong Autocertificazione “ay sasailalim sa mga pagsusuri at anumang pagkakamali o hindi angkop sa katotohanang deklarasyon ay isang krimen”.
Dahil dito, “ang dahilan ng trabaho ay kailangang patunayan sa pamamagitan ng pagpapakita ng sapat na dokumentasyon mula sa employer tulad ng badge o ID upang maipakita ang idineklara“.
Para naman sa kalusugan, ay kailangang ilakip sa Autocertificazione ang dokumentasyon na nagpapatunay ngpangangailangang lumabas ng Comune o Rehiyon para sa kalusugan. Kabilang sa dahillan ng kalusugan ay ang pag-aalaga sa isang non self-sufficient na pasyente.
Mahalagang tama at wasto ang pagsagot sa Autocertificazione. Ang hindi wasto, mali at sinasadyang hindi pagsusulat ng katotohanan sa deklarasyon ay pinaparusahan ng batas.
Paano sasagutan ang Autocertificazione?
Matapos isulat ang mga personal na datos at ang datos ng balidong dokumento, mangyaring markahan ang ‘comprovate esigenze di lavoro‘ kung trabaho ang dahilan ng paglabas ng bahay. Markahan ang ‘motivo di salute‘ kung ang dahilan ay kalusugan. At ‘altri motivi‘ para sa ibang dahilan na pinahihintulutan, tulad ng pagbisita o pagpunta sa bahay ng kamag-anak o kaibigan.
Pagkakaiba ng residenza at domicilio
Tandaan na ang residenza ay ang legal address na nasasaad sa mga balidong dokumentong hawak. Samantala ang domicilionaman ay ang lugar kung saan naninirahan kahit hindi ito ang legal address o residenza.
Narito ang link, para sa blangkong form ng Autocertificazione. (PGA)