Ipinatutupad sa Italya ang travel ban simula April 25 hanggang May 12 sa sinumang sa huling 14 na araw ay nanggaling sa bansang India.
Tanging ang mga residente lamang sa Italya, ang mga miyembro ng kanilang pamilya at kasong pinahihintuutan ng Ministry of Health, ang maaaring makapasok sa bansa sa kundsiyong walang anumang sintomas ng covid19, sasailalim sa swab test bago dumating at pagdating sa Italya at sasailalim din sa mandatory quarantine. Samantala, sa mga nasa Italya na at sa huling 14 na araw ay nanggaling sa India, ay inaanyayahang sumailalim sa swab test at makipag-ugnayan sa prevention department.
Ito ang nasasaad sa pinirmahang ordinansa ni Health Minister Roberto Speranza na mananatiling balido hanggang May 12, upang maiwasan ang pagkalat sa bansa ng bagong variant ng Covid19 na nananalansa ngayon sa India.
Anim na magkakasunod na araw nang nakapagtatala ang India ng pinakamaraming bilang ng kaso ng nagpopositibo sa COVID-19. Ayon sa mga eksperto, ang bilang ng mga active cases na halos 3 milyon sa kasalukuyan, at halos 200,000 naman ang mga nasawi, ay pinangangambahang mas mataas pa ng 5 hanggang 10 beses, kaysa sa naitatala sa araw-araw.
Sa Italya tinatayang aabot sa 150,000 ang mga residente na Indian. (PGA)