Sa Italya, ang mga nakatanggap na ng kumpletong bakuna laban Covid19 ay umabot na sa 5.4 milyon, ayon sa ulat sa official website ng gobyerno. Mahigit sa 18 milyong katao naman ang nakatanggap na ng kahit unang dosis.
Kasalukuyang mayroong apat na bakuna sa Italya:
- Pfizer,
- AstraZeneca,
- Moderna at
- Johnson & Johnson
Ngunit maaari bang piliin kung aling bakuna kontra-Covid ang tatanggapin?
Ang sagot ay HINDI. Sa ngayon ay hindi posible na pumili kung alin ang tatanggapin bakuna, tulad ng hindi rin pinapahintulutan na makabili ng bakuna na may bayad, sa pribado o sa ibang mga alternatibong pamamaraan.
Ang dahilan ay ipinaliwanag ng Agenzia Italiana del Farmaco sa Faq sa website nito.
“Ang makatanggap ng bakuna laban Covid-19 ay kinikilalang karapatan para sa LAHAT, subalit ang panganib na magkaroon ng virus at magkaroon ng malalang sakit sanhi nito ay hindi pare-pareho para sa lahat ng mga tao. At sa kasalukuyan, hindi lahat ng bakuna ay may sapat na mga doses. At upang matiyak ang pagkakapantay-pantay ng lahat ng mga mamamayan ay kailangang sundin ang nasasaad sa strategic national plan na nagsasaalang-alang ng lahat ng mga pangangailangan at kundisyon. Ang strategic plan para sa pagbabakuna ay ginawa ng Ministry of Health”.
Gayunpaman, sa ilang mga rehiyon, ay naging posible na malaman kung aling bakuna ang matatanggap bago pa man mabakunahan, posible ring pumili ng vaccination center kung saan gagawin ang pagbabakuna.
Sa Lazio, halimbawa, sa oras ng pag-book ng bakuna, ang petsa ng ikalawang doses ay agad na ipinapaalam at sa ganitong paraan ay maaaring malaman kung aling bakuna ang matatanggap. Sa katunayan, batay sa pagitan ng una at pangalawang dosis ay malalaman kung aling bakuna ang matatanggap:
- 3 linggo ang pagitan para sa Pfizer,
- 4 linggo ang pagitan para sa Moderna at
- 12 linggo naman para sa AstraZeneca.
Ang Johnson & Johnson naman ay single dose vaccine.
Sa mga nagdaang linggo, ang mga pangalan ng bakuna na ibinibigay sa mga vaccination centers ay makikita na rin online, tulad sa Roma. Samakatwid kapag nag-book online ay malalaman ng mas maaga kung aling bakuna ang matatanggap batay sa piniling pasilidad. Ito ay nagpapahintulot sa mga mamamayan na makapili, bukod sa araw at oras ng pagpapabakuna, ay makakapili din kung aling bakuna ang nais matanggap batay sa piniling vaccination center kung saan babakunahan.
Ano ang mangyayari sakaling nagbago ang isip at ayaw nang magpabakuna?
Ang sinumang hindi darating sa araw ng appointment o sinumang nag-back out ay mapupunta sa huli ng listahan. Ito ay nangangahulugan lamang na ang isang over 70 na hindi susulpot sa petsa ng appointment ay maaari pa ring magpabakuna ngunit siya ay mapupunta sa hulihan ng listahan ng mga over 70s.
Bukod dito, ang hindi magbibigay abiso at hindi na lamang susulpot sa araw na napili ay maaaring singilin ng kabuuang halaga ng bakuna. (PGA)