Ang indian covid variant ay kumalat na sa 17 bansa ayon sa World Health Organization (WHO). Ang listahan ay inilabas ng WHO sa ginagawang weekly report nito ukol sa pandemya.
Ang mutation ng bagong virus na nananalansa ngayon sa India, ay tinatawag ding B.1.617 variant. At ang mga bansa kung saan higit na natagpuan ang sequences ng bagong variant ay ang India, USA, UK at Singapore. Bukod dito ay kabilang ang Italya, Belgium, Switzerland at Greece.
Ang B.1.617 variant ay una nang tinawag ng health agency bilang “variant of interest,” subalit ngayon ay itinigil ng WHO at idineklara ito bilang “variant of concern.” Ibig sabihin lang nito ay may posibilidad na mas delikado ang naturang variant kumpara sa orihinal na version ng virus. Posible na mas nakakahawa at nakamamatay ito. Hindi rin imposible na hindi tumalab dito ang mga dinedevelop na mga gamot at maging ang bakuna. (PGA)