Tulad ng ipinangako ng Punong Ministro Mario Draghi, kasabay ng mabagal ngunit patuloy na pagbaba ng mga kaso ng Covid19 at pagtaas sa bilang ng mga nabakunahan kontra Covid19, ang Italya ay unti-unting nagtatanggal na ng mga restriksyon.
Sa kabila ng patuloy na pagtuligsa ng lider ng Lega Nord Matteo Salvini, ang punong ministro ay muling ibinase ang mga desisyon batay sa mga datos at naglabas ng bagong road map, na naglalarawan ng gradwal o unti-unting pagluluwag na magpapahintulot na suriin ang bawat sektor sa epekto ng muling pagbubukas.
Ang road map sa bagong decreto
Curfew
Una sa lahat, ang bagong road map ay nagbibigay ng bagong oras ng curfew sa tatlong hakbang:
- Simula bukas May 19, mula 10 pm, ay ginawang 11pm na ang curfew;
- Simula sa June 7 ay magiging 12am na ang curfew;
- At sa June 21 ay tuluyan nang tatanggalin ang curfew.
Zona bianca
Ibabalik ng zona bianca kung saan ang ipatutupad lamang ay ang social distancing, pagsusuot ng mask. At lahat ng ibang restriksyon ay tatanggalin na.
Simula June 1, ang mga rehiyon ng Friuli Veneza Giulia, Molise at Sardegna ay inaasahang sasailalim sa zona bianca. Simula June 7 naman ay pati ang mga rehiyon ng Abruzzo, Veneto at Liguria. Ito ay kung magpapatuloy ang mga datos ng hawak ng cabina di regia at hindi na magkakaroon ng paglala.
Restaurants
Simula June 1, ang mga restaurants at bars ay maaari na ring magpa-dine-in kahit sa indoor o sa loob mismo ng mga ito hanggang 6pm, na hanggang sa kasalukuyan ay sa labas lamang o outdoor pinahintulutan. May pahintulot na din ang pag-inom ng kape sa ‘banco’ ng bar.
Malls
Ang mga commercial activities sa mga malls (gallerie at perchi commerciali) ay muling magbubukas tuwing weekend pati pre-holidays at holidays o festivo at festivi simula May 22.
Weddings
May pahintulot na din ang mga weddings simula June 15 sa pagkakaroon ng green pass. Ang mga imbitado, ay kailangang mayroong negative covid test 48 hrs bago ang okasyong nabanggit, ang medical certificate na gumaling sa covid19 o ang pagkakaroon ng bakuna kontra covid. Ang CTS ang magbibigay ng indikasyon sa maximum na bilang ng mga participants, batay kung saan gagawin ang reception, sa outdoor o indoor.
Gym
Ang pagbubukas ng mga gym ay napaaga. Sa halip na June 1 ay magbubukas ang mga ito sa May 24.
Indoor pools
Ang mga centri termali at mga indoor swimming pools ay muling magbubukas simula sa July 1.
Disco
Wala pang petsa para sa pagbubkas ng mga disco houses at sale da ballo sa outdoor o indoor man. Samakatwid, ang mga ito ay mananatiling sarado sa ngayon.
Amusement parks
Ang mga amusement parks at parchi tematici ay magbubukas sa June 15.
Social, cultural at recreational centers
Ang muling pagbubukas ng mga social, cultural at recreational centers ay nakatakda sa Juy 1.
Casino, bingo, sale giochi at centri scommesse
Ang mga sale giochi at centri scommesse ay magbubukas sa July 1.
Bagong pamantayan
Magkakaroon din ng bagong pamantayan sa mga zona rossa, arancione at gialla. Hindi na gagamitin ang Rt kundi ang incidence at ang hospitalization rate sa ICU at sa medical area. (PGA)