Epektibo laban sa iba’t ibang coronavirus variants ang lahat ng mga bakuna kontra Covid19 na naaprubahan hanggang ngayon.
Ito ay ayon kay Hans Kluge, ang direktor ng Regional Office ng World Health Organization (WHO) sa Europa, sa isang press conference.
Lahat ng mga inaprubahang bakuna hanggang ngayon ay epektibo laban sa lahat ng uri ng covid variants”.
Kabilang aniya dito ang bagong variant (B.1.617) na unang nakilala sa India at natagpuan na sa 26 na bansa sa Europa: mula Austria hanggang Greece, mula Israel hanggang Kirghizistan.
“Noong nakaraang linggo, ang incidence ng kaso ng Covid19 ay nanatiling mataas sa walong bansa sa rehiyon, na nagtala ng higit sa 150 ang mga bagong kaso bawat 100,000 residente. Patunay lamang na ang pandemya ay hindi pa tapos. Sa ilan namang bansa ay mabilis pa ang pagkalat ng virus at nanganganib na lumala pa ito”.
Gayunpaman, ayon sa weekly report ng Covid sa Europa, ang mga bagong kaso at ang bilang ng mga biktima nito ay unti-unti nang bumababa. Sa katunayan, mula sa 1.7M noong kalagitnaan ng Abril ay bumaba sa halos 685,000 ang mga bagong kaso noong nakaraang linggo. Ito ay nagtala ng pagbaba ng 60% sa isang buwan.
Ngunit para kay Kluge, nahaharap pa rin tayo sa banta ng Covid19, kaya’t dapat tayong magpatuloy na maging maingat at pag-isipang mabuti o iwasan muna ang mga international travels.
Babala pa ni Kluge, ang mga bakuna kontra Covid ay maaaring ang ilaw sa dulo ng tunnel, ngunit hindi tayo dapat mabulag sa ilaw na iyon. (PGA)
Basahin din:
- Indian Covid variant, kumalat na sa 17 bansa
- Lagnat matapos ang bakuna AstraZeneca? Kailan dapat mabahala?
- Nakatanggap ng first dose ng bakuna kontra Covid19, maaari na bang magbiyahe sa ibang bansa?