Sa isang panayam kay CTS coordinator at presidente ng ISS, Franco Locatelli, ay sinabi nitong tatanggalin ang obligasyong magsuot ng mask sa kalahatian ng Hulyo.
Ito aniya ay sa outdoor muna at papahintulutan din sa indoor kung ang mga kasama ay mga bakunado na at hindi ‘mahina’ ang kalusugan.
Aniya ang lahat ng mga naging desisyon ay kalkulado at ang mga ito ay ginawa upang hindi mapilitan na muling magsara o mag-lockdown. Sa ngayon, ang isang bagong lockdown ay malayo na. Dagdag pa niya na ang vaccination campaign ay malaki ang nagagawang pagbabago sa bilang ng mga kaso ng covid19 sa ngayon.
Bukod dito, kinumpirma din ni Locatelli ang pagsang-ayon kay Emergency coordinator Figliuolo ukol sa bilis at paraan ng pagbabakuna. Aniya mahalagang bigyan pa rin ng prayoridad ang nanganganib na mahawa. Partikular ang isang milyong mga over-60s (hanggang edad na 69) sa Italya na nasa risk category, na hindi man lamang nagpa-book online para magpabakuna.
Samantala, ang pagbabakuna naman sa mga kabataan, ay hininintay na lamang ang pagbibigay ng go signal ng EMA (European Medicine Agency) na inaasahan ngayong katapusan ng Mayo at matapos samigurado ang bahagi ng populasyon na nasa panganib, ay makakapagsimula na ng pagbabakuna sa mga mag-aaral, upang masigurado na din ang muling pagbabalik sa klase ng ligtas sa susunod na pasukan.