Isa sa mga salitang madalas marinig sa kasalukuyan ay ang green pass. Mayroong dalawang uri ito: ang European Green Pass at ang Italian Green Pass. Bagaman pareho ang pangunahing layunin nito, ang malaya at ligtas na pagbibiyahe, ang dalawang nabanggit ay magkaibang dokumento. Ang pagkakaiba ay ang temporal at geographical validity ng dalawang sertipiko.
European Green Pass
Ang European green pass ay ang digital certificate na magpapahintulot sa malayang pagbibiyahe sa mga State Members ng EU. Ito ay inaasahang ilalabas simula sa July 1.
Ang European green pass ay karapatan ng lahat ng mga Europeans, pati ng mga dayuhang residente sa Europa sa pagkakaroon ng mga sumusunod na kundisyon:
- Kumpleto at natapos na ang mga doses ng bakuna kontra Covid19;
- Paggaling sa sakit na Covid na patutunayan sa pamamagitan ng isang medical certificate o dokumento na magpapatunay ng pagkakaroon ng antibodies kontra Sars-CoV2;
- Negative result ng PCR test o antigen test.
Ang European green pass ay makukuha sa loob ng 14 na araw matapos ang ikalawa o huling dosis ng bakuna kontra Covid19. Samantala, ang pass sa paggaling sa Covid ay inaasahang balido ng 180 days mula sa araw na gumaling o magkaroon ng negative molecular covid test. At balido naman ng 72 hrs ang negative molecular test at 48 hrs naman ang negative antigen test.
Ang mga magbibiyahe sa Europa na mayroong Green Pass ay inaasahang exempted na sa mandatory quarantine at anumang covid test.
Italian Green Pass
Ang Italian green pass naman ay ang sertipiko na magpapahintulot sa malayang pagbibiyahe sa mga rehiyong nasa zona arancione at zona rossa, na sa kasalukuyan ay walang rehiyong nasa ilalim ng mga nabanggit, dahil ang mga Rehiyon ng Italya ay nasa ilalim ng zona gialla at zona bianca.
Tandaan na ang Italian green pass ay tumutukoy sa isang sertipiko na ibinibigay makalipas ang 15 araw matapos ang unang doses ng bakuna kontra Covid. Ito ay maaari ring isang sertipiko matapos gumaling mula sa sakit na Covid19 o negatibong risulta na Covid test na balido ng 48 hrs makalipas ang test.
Ang nabanggit na sertipiko o Italian green pass ay mahalaga rin sa ibang pagkakataon tulad ng nalalapit na mga handaan at okasyon na magsisimula sa June 15. Ayon sa mga unang ulat, kung hindi magkakaroon ng pagbabago, ang Italian green pass ay kinakailangan sa pagpunta sa mga okasyon, konsyerto at iba pang mahahalagang kaganapan.
Ang Italian Green pass ay iniisyu ng Region at posibleng magamit sa Italya lamang. Bilang karagdagan, ito ay may pansamantalang validity o habang ang European green certificate ay hindi pa ginagamit.
Ang European green certificate, bukod sa magpapahintulot sa malayang pagbibiyahe sa Europa ay balido hindi lamang sa Europa kundi pati sa buong Italya. (PGA)
Basahin din:
- Tatlong rehiyon ng Italya sa zona bianca. Narito ang mga health protocols.
- EU green pass, sa Io app simula July 1
- Handaan, kailan at hanggang ilan katao ang may pahintulot?