Ang buong Italya ay zona bianca o low risk zone na! Ito ang inanunsyo ni Health Minister Roberto Speranza ngayong araw matapos pirmahan ang ordinansa na naglalagay na rin sa huling rehiyon, ang Valle D’Aosta sa zona bianca simula sa Lunes, June 28, 2021.
Aniya, nananatiling dapat mapanatili ang pag-iingat dahil hindi pa tapos ang laban sa coronavirus. Bagaman ang mga numero sa mga huling araw ay naglalarawan ng pagbaba ng mga kaso. Patuloy pa rin aniya ang sirkulasyon ng virus at mas makakabuti para sa lahat na panatilihing mataas ang atensyon.
Mask, nananatiling mahalagang panlaban sa virus
Dagdag pa niya ang mask ay nananatiling mahalagang panlaban sa virus. Ito ay isang mahalagang instrumento upang mapanatili ang kontrol ng virus. Ang ordinansa ay nagbibigay ng pagkakataong hindi ito palaging suot partikular kung walang ibang tao. Ngunit ito ay obligadong palaging dala at suot sa indoor at sa lahat ng sitwasyong hindi masusunod ang social distancing.
Sa mga susunod na araw – ayon pa sa Ministro – ay ilalabas ng ISS ang resulta ng mga analisis at magbibigay ng kasalukuyang sitwasyon ng Delta variant. (PGA)
Basahin din:
- Pagsusuot ng Mask, hindi na obligado simula June 28 sa Italya
- Delta variant, kinatatakutan ang mabilis na pagkalat sa Europa ngayong Summer