Nalalapit na ang pagtatanggal ng canone Rai o ang buwis sa telebisyon, sa bill ng kuryente. Ito ang naging desisyon ng Presidente ng Konseho ng mga Ministro, Mario Draghi. Samakatwid, sa bill ng kuryente ay muling makikita na lamang ang konsumo at tatanggalin na ang € 90 kada taon na kabayaran sa buwis ng telebisyon.
Sa katunayan, ang European Commission ang nagpasyang hindi dapat bayaran ang canone Rai sa ilalim ng item na “oneri impropri” sa bill o bolletta ng luce. Ayon sa Brussels ay hindi dapat singilin ng isang electricity provider ang buwis na dapat ay binabayaran sa gobyerno dahil ito ay hindi naman sakop ng serbisyo ng provider. Maihahalimbawa, ang pagdedeliver ng tinapay araw-araw na kasabay na sisingilin pati ang bayad sa karne at sa isda.
Samakatwid, si Draghi at ang kanyang gobyerno, ay nagsumikap para alisin ang buwis sa telebisyon mula sa bill ng kuryente “per motivi di trasparenza e rispetta della concorrenza”. Upang magawa ito, ginamit ng Premier ang NRP, o ang National Recovery and Resilience Plan na naka-link sa Recovery Fund, o ang budget na darating mula sa EU upang pondohan ang mga anti-crisis measures sa bansa na napagpasyahan ng Executive.
Sa kasalukuyan, ay nagbabayad sa Italya ng 9 euro kada buwan sa loob ng 10 buwan sa kabuuang € 90 sa isang taon na idinadagdag sa konsumo ng kuryente upang bayaran ang canone Rai.
Matatandaang ang gobyerno ni Matteo Renzi, noong 2015, ang nagpasyang bayaran ang buwis ng telebisyon sa paraang ito. Ayon kay Renzi, ito ay upang maiwasan ang hindi pagbabayad sa canone Rai at sa paraang ito ay mapipilitang magbayad ang lahat ng pamilya ng buwis sa telebisyon, dahil ang bill sa kuryente ay obligadong babayaran ng lahat. Ngunit ito ay hindi naman ikinatuwa ng mga electricity provider dahil ang bill sa kuryente ay nagmistulang tumaas dahil sa karagdagang € 90.00 kada taon.
Dahil dito naging desisyon ng Brussels na sabihin kay Draghi na muling ihiwalay ang bayad ng canone Rai.