Nitong ika-24 hanggang ika-25 ng Hulyo, 2021, naidaos ang pinakahihintay na Ikatlong Kongreso ng pambansang alyansa ng mga Pilipino, ang OFW WATCH ITALY, na nasa ika-anim na taon na mula nang maitatag noong Nobyembre 2014. Ilang beses din itong naantala dahil sa epidemya ng Covid19 at mga restriksiyon sa bawat rehiyon. Kaya nitong nagluwag na ay di na nag-aksaya pa ng panahon at plinano nang mabilisan ang kongreso base din sa mga kasalukuyan pa ring patakaran sa pagdaraos ng asembleya.
Ito ay ginanap sa Hotel Open 011 sa Corso Venezia 11 sa Torino at ang ACFIL-Piemonte sa pamumuno ni Rosalie Bajade, katuwang si Emy Baldos, ang siyang mga naging tagapamahala. Kasama ang iba pang mga naging isponsor sa programang ito, ang Vista land International Marketing, OFW Watch Sicily at FWAB Biella, Affresco Events Group at Vetreria Etrusca.
Ang naging tema naman ay “Our Role for the Promotion and Protection of the Rights and Welfare of the Filipino Migrants”. Nakapaloob sa programa ang pagpapakita sa pamamagitan ng powerpoint presentation ng mga naisagawang mga aksiyon at adbokasiya ng Alyansa at ng mga miyembrong organisasyon. Isinagawa na rin ang paglulunsad sa tatlong bagong programa nito: ang TASK FORCE sa pamumuno ni Nonieta Adena, ang Projects and Direct Services na pamamahalaan ni Mely Ople at ang Publication, Communications and Social Media na pinangangasiwaan ni Mercedita De Jesus. Ipinakilala na rin ang Diaspora News and Stories na may news website, Facebook page at You Tube account para sa mga pagbabalita.
Nabuo na rin ang Board of Trustees, base sa aprobasyon ng Asembleya sa mga amyenda sa Konstitusyon at ngayon ay binubuo na ng Executive Committee na kinapapalooban ng mga bagong halal na opisyal, sina: Rhoderick Ople bilang pangulo, Apolinario Baltazar at Rodel De Chavez bilang mga pangalawang pangulo, Mercedita De Jesus bilang Kalihim, Frediemor Purificacion bilang ingat-yaman, Miriam Macabeo, tagasuri at si Christine Cabral bilang kalihim-deputado. Ang eleksiyon ay pinamahalaan ni COMELEC Chairman Nerissa Tejada. Nakapaloob din sa Board of Trustees ang iba pang Founders, sina Agliberto Aquino, Edwin Bigcas, Dionisio Adarlo at Aurelio Galamay.
Ang panunumpa ng bumubuo ng Board of Trustees at mga bagong halal na opisyal ay pinamahalaan ni Assessore Marco Alessandro Giusta ng Torino, na nagpahayag ng paghanga sa mga Pilipino at sa pagsisikap nito na magkaroon ng pagkakaisa at malawakang adbokasiya para sa promosyon at proteksiyon ng mga karapatan at kagalingan ng mga Pilipino dito sa Italya.
Nagpadala din ng mga sulat-pagbati at video sina Alessandro Milani ng Philippine Italian Association, Carmelita Nuqui ng Philippine Migrants Right Watch, POLO Milan Labor Attache Corina Padilla-Bunag, Philippine Embassy Consul General Donna Celeste Feliciano-Gatmaytan, ATTY. Paul Sombilla, Ako ay Pilipino Editor-in Chief Pia Gonzalez-Abucay, ang Rights Corridor, Honorary Consul Maria Grazia Cavallo ng Torino, at Adviser Minda Teves.
Sa kabuuan ay naging matagumpay ang Kongreso na nilahukan ng 70 delegato dahil muling nagkita-kita matapos ang mahigit na isang taon ng pagkaantala nito, napagkaisa at nakabuo ng bagong General Program of Action para muling maipagpatuloy pa ang mga nasimulan pati ang mga bagong programa para sa mga komunidad ng mga Pilipino. Ang mga siyudad at probinsiya na nagpadala ng kanilang delegasyon ay ang mga sumusunod: Turin, Biella, Milan, Genova, Treviso, Varese, Padova, Bassano del Grappa, Modena, Bologna, Ferrara, Florence, Empoli, Montecatini, Pistoia, Roma, Cagliari, Napoli, Salerno, Cosenza, Reggio Calabria, Messina at Catania. Ang mga National Council Members ay binigyan din ng plaque of appreciation bilang pagkilala sa kanilang suporta at paglilingkod.
Ang mga naging guro ng palatuntunan noong Sabado ng gabi ay sina Christine Cabral at John Reyes, samantalang noong Linggo ng umaga naman ay sina Quintin Cavite, Jr. at Marivic Galve. Nagpamalas rin ng espesyal na presentasyon sina Orlando ‘Sharon” Sebastian, Miriam Macabeo, Nonieta Adena at Ghie Dela Cruz. Dumating din ang Volunteers Group ng Milan at nagpahayag ng pakikiisa at suporta sa Alyansa. Nagsiuwi ang mga delegato dala ang bagong inspirasyon ng liderato at programa sa mga kababayan sa kani-kanilang mga siyudad at probinsiya. (Dittz Centeno-De Jesus)