Matindi ang aming pagtutol sa third dose para sa lahat ng mga adults sa mga mayayamang bansa”.
Ito ang inanunsyo ni WHO chief scientist Soumya Swaminathan sa isang press conference. Samakatwid, pinipigilan ng WHO ang booster dose sa mga bansa kung saan ang dalawang dosi ng bakuna kontra Covid19 ay naibigay na sa malaking bahagi ng populasyon.
Ang anunsyo ay ginawa sa panahong ang ilang bansa ay handa na para sa booster dose, tulad ng Israel na nagsimula ilang linggo na ang nakakaraan at kahit ang USA ay naghihintay na lamang ng pagsapit ng Sept. 20 para magsimula. Kahit sa Italya ay nagsabi ang CTS na pabor din sa third dose.
Ngunit para sa World Health Organization ang dapat pagsumikapan sa kasalukuyan ay ang mabakunahan ang mga bansang mahihirap upang madagdagan ang immunity dito dahil sa kakaunti pa lamang ang nakakatanggap ng bakuna.
“Ang pagbibigay ng booster dose ay ang pagtanggal ng mga dosis mula sa mga hindi pa nababakunahang bansa na posibleng maging sanhi ng paglitaw ng mga bagong variants“, dagdag pa ni Swaminathan.
Ang problema ay ang higit na pagdudusa ng mga bansang mahihirap at malalaki ang populasyon dahil sa kakulangan ng mga bakuna. Malaki ang agwat sa pagitan ng mga mayaman at mahirap na mga bansa. Ang 50 pinakamahirap na mga bansa sa mundo ay nakatanggap lamang ng 2% ng mga dosis. At sila ay kumakatawan sa 20% ng populasyon sa buong mundo. Halimbawa, sa USA ay umabot na sa 60% ng populasyon ang nabakunahan samantala sa Uganda ay 1% pa lamang ng popukasyon ang may bakuna.