in

Monopattino, dumadami ang aksidente sangkot ang mga Pilipino

monopattino Ako Ay Pilipino

Ang usaping pangkaligtasan na may kaugnayan sa paggamit ng monopattino o electric scooter ay nagiging mas mainit sa panahong ito. Ang dahilan ay ang mas dumaraming reklamo ng aksidenteng dulot ng makabagong “means of transportation” na ito. Sa Italya ilang aksidente na ang naitala sangkot ang ilang mga Pilipino.

27 anyos, biktima ng aksidente sa monopattino sa Roma

Noong nakaraang August 19 ay binawian ng buhay si Alexander Gonzales Hernandez, kilala sa tawag na ‘Diroy’, biktima ng aksidente sa monopattino na naganap noong July 29 sa pista ciclabile ng Via Gregorio VII sa Roma. 

Ayon sa ulat ng Roma Today, natagpuan ng nagpa-patrol na mga kapulisan ng Gruppo XIII Aurelio ang nakahandusay na si Diroy bandang alas 2 ng madaling araw sa crossing ng via Gregorio VII at via del Cottolengo. Malala ang pagkakabagsak ng 27 anyos at sumailalim ito sa dalawang maseselang operasyon. Tatlong linggong comatose ang biktima. 

Batay sa hawak na impormasyon ng awtoridad ay tila walang ibang sasakyang sangkot sa aksidente bagaman patuloy ang ginagawang imbestigasyon sa mga pangyayari at paghahanap ng posibleng witness.

Nananawagan ang naulilang asawa na nagdadalang-tao, pamilya, kamag-anak at kaibigan sa sinumang posibleng nakasaksi sa aksidente ay mangyaring makipag-ugnayan sa kanila.

Ilang aksidente sa monopattino na sangkot ang mga Pilipino

Maidadagdag sa mga kaso ang malubhang aksidente sa Milano. Ang insidente ay nangyari sa crossing ng via Pianell at via Suzzani bandang Prato Centenaro.

Ayon sa report ng mga awtoridad, ang biktima ay isang Pinay na 51-anyos. Bandang alas 7:30 ng gabi noong ika-17 ng Mayo, habang tumatawid sa pedestrian lanes ang ofw ay bigla itong nabundol ng mabilis na monopattino. Ang nagmamaneho na isang Sri Lankan national ay agad namang tumawag ng saklolo. Matindi ang impact ng pagkakabangga at masama ang pagbagsak ng Pinay. Agad na isinugod ito sa pinakamalapit na pagamutan.

Matatandaang may isa ding 38-anyos na Pinay sa Cagliari ang nasagi ng isang Toyota Yaris na minamaneho ng isang 63-anyos na Cagliaritano. Buwan ng Disyembre 2020 ito nangyari.

May naireport din na naaksidenteng Pinoy, 34-anyos, sa Sottopasso Mortirolo sa Milano. Bumangga at bumalandra sa windshield ng kotse ang biktima at naging masama ang lagay. Ito ay ilan lamang sa mga malulubhang aksidenteng naireport na sangkot ang mga Pilipino.

Dobleng ingat ang patuloy na paalala ng mga awtoridad sa mga gumagamit ng panibagong “sasakyan” na ito. Ang monopattino ay hindi isang laruan at maaari itong maging dahilan ng sakuna. (Quintin Kentz Cavite Jr. at PGA)

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

7 Rehiyon ng Italya, red o high risk zone para sa ECDC

Permesso di soggiorno per gravidanza sa Permesso di soggiorno per motivi familiari, narito kung paano