Nagpapatuloy ang kampanya sa pagbabakuna laban sa Covid-19. Kumpara sa ibang bansa sa Europa, ang Italya ay ang ika-syam na bansa sa bilang ng mga nabakunahan, matapos ang Spain ngunit nauuna naman sa mga bansang France at Germany.
Naitala sa Italya, sa pagitan ng linggo ng Sept 6 hanggang 12, ang average na 240,000 na dosis ng bakuna araw-araw. Isang mahalagang pagbagal kumpara sa buwan ng Hulyo, kung saan ang average ay higit sa 500,000 dosis araw-araw. Ito ay bumagal kung ihinahambing sa mga unang araw ng Setyembre, kung saan ang average ay 275,000.
Ito ay ayon sa mga datos na inilabas ng European Center for Disease Prevention and Control (ECDC) at Our world in data, isang proyekto ng University of Oxford.
Kung susuriing mabuti ang mga datos, sa Europa ay umabot na sa 66% ang bilang ng mga nakatanggap na ng unang dosis ng bakuna kontra Covid19. Ang bansang may pinakamataas na bilang ay ang Portugal, kung saan 87% ng populasyon ang nakatanggap na ng unang dosis. Ang Italya, ay nagtala ng 72% ng populasyon ang nakatanggap na ng unang dosis. Ito ay ang ikasiyam na bansa sa bilang ng mga nakatanggap na kahit ng isang dosis. Samantala, ang Romania naman ay ang bansa sa Europa kung saan naitala ang pinakamababang bilang, 28%.
Halos pareho din ang mga datos ng mga bansang nakakumpleto na ng dalawang dosis ng bakuna kontra Covid19. Nangunguna ang Malta, kung saan 81% na ng populasyon ang nakatanggap ng dalawang dosis. Sinundan ng Portugal, 80% ng populasyon; Spain ay may 75%. Ang Italya ay nagtala ng 67%, ang UK ay may 65%, Germany ay 62% at ang France ay 62%.
Ang Pfizer ang nangungunang bakuna na ginamit sa Europa. Ito ay umabot sa 460 milyong dosis. Ito ay sinundan ng AstraZeneca na nagtala ng 93 milyon dosis at ang Moderna na umabot sa 82 milyon. Sumunod ang Johnson & Johnson na umabot 22 milyon. Mayroon ding dalawang bansa na gumamit ng dalawang bakuna na hindi inaprubahan ng European Medicines Agency (EMA): ang Hungary ay gumamit din ng bakunang Chinese Sinopharm at ang Russian Sputnik, na ginamit din ng Slovakia.