Matapos aprubahan ang bagong dekreto na nagpapalawig sa pagiging mandatory ng Green pass sa Italya simula Oct 15 sa lahat ng mga manggagawa sa Italya, na tinatayang aabot sa 23 milyon, ay nagtala ng pagtaas sa booking ng mga magpapabakuna kontra Covid19.
“Sa national level ay nagkaroon ng pagtaas sa booking ng mga magpapabakuna mula 20% hanggang 40% kumpara noong nakaraang linggo”. Ito ay ayon kay Emergency Commissioner Figliuolo ngayong araw.
Ang request ng booking ay dumadami, ngunit ayon kay Commissioner ay kailangan aniyang maghintay upang maunawaan kung ang datos na ito ay magpapatuloy. Mahalagang maabot ang target a 80% ng populasyon na itinakda ng gobyerno na mababakunahan hanggang sa katapusan ng Setyembre. Kailangang subaybayan ang mga updates sa mga susunod na araw.
“Kailangang isaalang-alang na ang karamihan sa mga vaccination sites ay mayroon nang free access. Kailangang hintayin hanggang sa mga susunod na araw kung ang trend ay magpapatuloy”, aniya.
Gayunpaman, kinumpirma ni Commissione na hanggang sa kasalukuyan ang bilang ng mga bakunado na naka-kumpleto na ng mga dosis ng bakuna kontra Covid19 sa Italya ay 40,850,892. Ito ay kumakatawan sa 75.64% ng mga over 12.
Kabilang sa mga rehiyon kung saan nagtala ng pagtaas sa request ng booking ay ang rehiyon ng Lombardia, kung saan ang tumaas ang request mula sa higit sa 6,000 hanggang sa halos 15,000. Ang parehong trend ay naitala din sa Piemonte kung saan, sa loob ng 24 na oras, ay nagtala ng 4,100 kumpara sa 1,900 na nakaraang linggo. Nagtala din sa rehiyon ng Lazio ng isang pagtaas na katumbas ng 10%, at maging sa Liguria ay tumaas din ang demand.
Samantala, ngayong araw, September 20 ay nagsimula na ang Italya sa pagbibigay ng ikatlong dosis ng bakuna, na kasalukuyang inilaan muna para sa mga taong imunocompromised, mga nagkaroon ng organ transplant at mga cancer patient. Sa kabuuan, ay tinatayang aabot sa tatlong milyong mga pasyente. (PGA)