Kasama ang mga Fil-Italians sa tinatayang 12 milyon mga botante sa Italya para sa nalalapit na Administrative Election o ang tinatawag na Elezioni Comunali 2021 na nakatakda sa October 3 at 4, 2021.
Aabot sa 1,157 ang mga Comune sa bansa na kabilang sa mga rehiyon na may ‘statuto ordinario’ – kasama ang mga pangunahing lungsod tulad ng Roma, Milano,Torino, Napoli, Bologna at Trieste – ang muling magluluklok sa Konseho nito, mula alkalde hanggang sa mga konsehales. Anumang ‘ballottagggio’ (o ang ikalawang boto kapag walang kandidato ang nakakuha ng kinakailangang majority) para sa posisyon ng alkalde ay nakatakda naman sa October 17 at 18.
Samantala, sa mga Comune na kabilang naman sa mga rehiyon na may ‘statuto speciale’ ay nakatakdang bumoto sa ibang petsa. Sa Sicilia (42 Comune) at Sardegna (102 Comune), ang eleksyon ay nakatakda sa October 10 at 11, araw ng Linggo at Lunes. Anumang ‘ballottagggio’ ay nakatakda naman sa October 24 at 25. Sa 8 Comune ng Trentino-Alto Adige ay magkakaroon naman ng eleksyon sa October 10 at ang ‘ballottagggio’ ay nakatakda naman sa October 24. Sa Valle d’Aosta, ang Comune di Ayas ay boboto naman sa October 19 at 20, 2021.
Narito ang mga dapat malaman mula sa tessera elettorale (o voter’s ID) hanggang sa paraan ng pagboto
Ang mga voting centers sa bansa ay bukas sa araw ng Linggo, October 3 – mula 7:00 am hanggang 11:00 pm at sa araw ng Lunes, October 4 – mula 7:00 am hanggang 3:00 pm.
Ang Tessera elettorale
Sa tessera elettorale ay matatagpuan ang numero at address ng seggio o voting center kung saan boboto. Sa kasong bago ang itinakdang petsa ng eleksyon, ay matatanggap ang isang ‘tagliandino’ kung saan nasasaad ang mga pagbabago sa address ng voting center, ito ay dapat na idikit sa tessera elettorale at tandaang sa lugar na ito dapat magpunta para bumoto. Sakaling ang home address na nakasulat sa tessera elettorale ay hindi na tumutugma sa address ng residenza ay kailangang makipag-uganayan sa Ufficio Elettorale.
Samantala, sa mga Pilipino na naging naturalized Italians ay direktang natatanggap ang tessera elettorale sa kanilang home address pagkatapos magkaroon ng italian citizneship. Sakaling ito ay hindi pa natatanggap, mangyaring kunin ito sa Ufficio Elettorale sa Comune kung saan residente sa pamamagitan ng pagprisinta ng isang balidong dokumento.
Upang makaboto, sa eleksyon ay kakailanganin ang 2 mahalagang dokumento:
- Balidong dokumento (carta d’identità)
- Tessera elettorale.
Ang huling nabanggit ay mayroong 18 maliliit na boxes na tinitimbruhan sa voting center tuwing boboto.
Paalala: sa Italya ay hindi na nagpapa-rehistro para makaboto. Sapat na ang pagkakaroon ng tessera elettorale.
Legge elettorale sa mga Comune na mas mababa sa 15,000 ang mga naninirahan
Sa mga Comune na wala pang 15 libo ang mga naninirahan, ang halalan para sa alkalde at mga konsehal ng munisipyo ay walang ‘ballottaggio’. Sa katunayan, itinuturing na panalo ang kandidato bilang mayor na nakakuha ng mas nakakaraming boto. Bawat kandidato ay mayroon lamang isang lista. Samakatwid, ang botante na pipili ng kanyang kandidato bilang mayor ay bumoboto na din para sa kanyang lista.
Legge elettorale sa mga Comune na mas mataas sa 15,000 ang mga naninirahan
Sa mga Comune na higit sa 15 libo ang mga naninirahan, ang halalan ng alkalde at mga konsehal ay nagaganap sa pamamagitan ng ‘sistema maggioritario a doppio turno’. Ito ay nangangahulugan na kung walang kandidato ang aabot sa majority ng mga boto (50% + 1 ng mga boto), ang dalawang kandidato na mayrong pinaka mataas na boto ay magkakaroon ng ‘ballottaggio’ at samakatwid ay muling magkakaroon ng botohan ang mga kandidato bilang alkalde at hindi ang mga lista.
Paraan ng pagboto
Ilan ang maaaring iboto?
Ang mga botante ay maaaring bumoto ng maximum na dalawang kandidato bilang konsehal sa kundisyong magkaiba ang kasarian ng dalawa at nabibilang sa parehong lista. Samakatwid, ang mga botante ay maaaring ipahayag ang pagpili para sa kandidato bilang mayor sa pamamagitan ng paglalagay ng X sa lista na napili at pagkatapos ay isusulat ang pangalan ng dalawang kandidato bilang konsehal: isang babae at isang lalaki. Kung hindi masusunod ang magkaibang kasarian, ang boto ay pawawalang-bisa.
Ang voto disgiunto
Ang voto disgiunto ay tumutukoy sa isang opsyon na nagpapahintulot sa mga botante na pumili ng lista at ang mga kandidato naman ay mula sa ibang lista. Ang voto disgiunto ay hindi pinahihintulutan sa mga Comune na mas mababa sa 15 libo ang mga naninirahan. (PGA)