Sa kauna-unahang pagkakataon pagkalipas ng dalawang taong paghihigpit ng mga social gatherings sanhi ng pandemya ay idinaos ang ika-walong anibersaryo ng pinakamalaking Zumba group sa rehiyon ng Lombardia partikular sa Milan, Italy, ang Ryan Dance Empire.
At dahil dito ay may pahintulot ng magkaroon ng mga gatherings subalit kinakailangan sundin pa rin ang mga alituntunin ng health protocols kahit nasa “zona bianca” na ang malaking bahagi ng Italya.
Ang Ryan Dance Empire ang pinakamalaking Zumba group sa rehiyon Lombardia na pinamumunuan ng isang batikang zumba instructor sa Milan na si Ryan Garcia.
Mayroon mahigit 200 estudiyante ito na halos lahat ay mga mommies na hinati-hati sa walong grupo para sa Saturday at Sunday sessions.
Marami pa rin mga mommies at maging mga dalaga ang gustong sumali sa Ryan Dance Empire, subalit sa pagkakataon ito ay nag-iingat si Garcia dahil sa kasalukuyang situwasyon dito sa Italia.
“Siguro magkakaroon ng konting pag-iingat kasi nga because of what happened, hindi pa ganun kaganda ang situwasyon natin, magkakaroon din ng konting adjustment.” Ani Garcia.
Siniguro niya sa Ako ay Pilipino news team na lahat ng kanyang mga estudiyante ay fully vaccinated.
Ginanap ang nasabing okasyon sa Parco Lambrate at bawat grupo ay nag tayo ng kanilang mga booths at naghanda ng mga pagkain na Filipino dishes na karaniwang hinahanda tuwing may mga piyesta sa atin.
Bago pa man magsimula ang programa ay nagkaroon muna ng misa at si Father Bong Osial ang nagbigay ng banal na salita ng Diyos, at pagkatapos ay binasbasan ng pari maging ang mga OFWs.
Nagtagal ng halos dalawang oras ang mala showdown na presentation ng buong grupo na kung saan ipinakita ng mga mommies ang mga sayaw nila sa mga bisita at mga dumalo kasama na din ang ilan sa mga kaibigan nilang mga Italyano.
Imbitado din ang mga ibang zumba instructors dito at sa kanilang intermission numbers ay sumabay at nakisayaw.
Pagkatapos nito ay sumunod din ang mga games na mga tradisyong palaro ng mga kabataan sa atin tulad ng Chinese garter, breaking the pot, tag of war at couple games at iba pa.
Panalangin ng bawat isa ay sana matuldukan na ang nararanasang krisis upang bumalik na sa normal ang lahat.
Samantala pinasalamatan ni Garcia ang mga mommies, mga kaibigan na sumuporta sa kanilang engrandeng okasyon.
“Nagpapasalamat ako una sa atin Panginoon na binigyan kami ng pagkakataon maidaos ang aming okasyon kahit may pagbabadiya ng ulan, at sa mga mommies, mga kaibigan, mga sponsors, grabe, ako’y overwhelmed” sa pagtatapos ng zumba instructor. (ni Chet de Castro Valencia at larawan ni: Gilmar Taebas)