Isang monthly allowance na nagkakahalaga hanggang € 175 euro, na bumaba sa € 85 para sa anak na nasa hustong gulang (18-21 anyos). At bumababa hanggang € 50 para sa mga pamilya na mataas ang kita o sahod. Ito ay ibibigay din sa mga dayuhan sa kundisyong sila ay naninirahan sa Italya mula dalawang taon pataas.
Ito ang mga katangian ng tanyag na Assegno Unico Universale, batay sa draft ng implementing decree na tatalakayin at inaasahang aaprubahan sa Council of Ministers bukas, November 18, 2021.
Ang kabuuang halaga ay nakalaan sa may ISEE hanggang € 15,000. Ang halaga ng allowance ay unti-unting bumababa, hanggang sa pinakamababang € 50 (25 para sa mga may hustong gulang) para sa may ISEE na higit sa € 40,000 bawat taon o para sa mga walang ISEE. Nakalaan ang pagtaas sa halaga ng allowance batay sa bilang ng mga anak at sa pagkakaroon ng mga anak na may kapansanan, bukod pa sa halaga ng kita. May karagdagang halaga din kung parehong nagtatrabaho ang mga magulang.
Ang aplikasyon ay isusumite sa INPS simula January 1 para sa Marso 2022 hanggang katapusan ng Pebrero ng susunod na taon o 2023. Ito ay upang magkaroon ng sapat na panahon upang gawin ang ISEE (kung saan kinakailangan ang kita ng nakaraang taon).
Ang allowance ay ibibigay sa bawat menor de edad na anak, para sa bagong panganak at simula sa ikapitong buwan ng pagbubuntis, ayon sa draft. Wala namang limitasyon sa edad para sa mga batang may kapansanan.
Ang allowance ay matatanggap ng magulang na gumawa ng aplikasyon. Ang aplikasyon ay maaari ding isumite ng anak sa pagsapit na hustong edad, na maaaring hilingin na direktang matanggap ang allowance na para sa kanila.
Upang matanggap ang allowance kahit pagkalipas ng 18 anyos, ang anak ay dapat na pumapasok sa paaralan o kumukuha ng vocational course o ng isang degree, nagsasagawa ng internship o mayroong trabaho ngunit ang kita ay mas mababa sa € 8,000 sa isang taon, o nakarehistro sa Centro per l’Impiego bilang walang trabaho at naghahanap ng trabaho, o nasa servizio civile universale.
Requirment para sa mga dayuhan
Ang assegno unico ay ibibigay din sa mga dayuhan na mayroong regular na permesso di soggiorno: permesso di lavoro o di ricerca na balido ng higit sa 6 na buwan, sa kundisyong residente sa Italya
ng hindi bababa sa dalawang taon, kahit na hindi tuloy-tuloy, o mayroong contratto di lavoro a tempo indeterminato o a tempo determinato na hindi bababa sa anim na buwan. Kasama rin sa requirement ang pagbabayad ng buwis sa Italya.
Ang mga nabanggit na requirement ng Assegno Unico Universale ay nasasaad sa draft ng implementing decree na tatalakayin at inaasahang aaprubahan sa Council of Ministers bukas, November 18, 2021.