Sinaksak na naging sanhi ng pagkamatay ng 74-anyos na Pilipino, habang naghihintay ng bus sa harapan ng Rimini station noong nakaraang araw ng Linggo bandang alas 7:30 ng gabi.
Ayon sa mga ulat, ang biktima, si Galileo Landicho, ay sinaksak sa leeg matapos atakihin sa likod ng salarin na mabilis na tumakas sakay ng bisikleta nito.
Hindi pa alam ang tunay na motibo ng karumal-dumal na pagpatay sa Pinoy. Sa kasalukuyan ay pinaghahanap ng mga alagad ng batas ang salarin batay sa paglalarawang ginawa ng ilang saksi.
“Dumating sa bus stop, inatake ang biktima sa likuran, sinaksak sa leeg at mabilis na tumakas”, ayon sa kwento sa mga pulis ng isang saksi. Dark color umano ang suot ng salarin. Hindi nag-atubiling tumawag ng saklolo ang mga taong nakasaksi ngunit huli na ang lahat para sa duguang biktima.
Ayon sa mga report, ang biktima ay bumili pa ng Superenalotto sa isang tabacchaiao malapit sa station. Siya ay inihatid sa bus stop ng isang kababayan kung saan kukuha ng bus pauwi sa Villa Verucchio kung saan residente. Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad at ang pagsusuri sa mga CCTV sa lugar.
Ang biktima ay kilalang aktibong miyembro ng isang asosasyon ng mga Pilipino sa Emilia Romagna. Siya na nagta-trabaho bilang colf sa isang kilalang businessman sa lugar. (PGA)