Isang 31 anyos na Pinoy nurse ang trending sa mga balita at social media sa Italy ng ilang araw na. Ito ay matapos kumalat ang balita ukol sa pagsalba sa buhay ng isang Italyano na inatake sa puso sa loob ng tram sa Milan.
Siya si Paul Azarcon, 31 anyos, nagta-trabaho bilang nurse sa Oncology Department sa St. Adolf Stift sa Reinbek Germany, habang nagpapatuloy sa pag-aaral upang maging isang ganap na doctor. Sa kasalukuyan ay nasa Milan upang mag-Pasko dito kasama ang kaibigang si Jay Retuta, nagmamay-ari ng isang English school doon.
Sa isang post ay kinuwento ni Jay ang mga pangyayari.
Bandang 7.15 ng gabi noong December 13, nang sumakay ng tram 9 papunta sa Duomo ang magkaibigan para maghapunan. Biglang humandusay na lamang sa kanilang harapan ang isang kabataan. Kinumbulsyon at nagsimulang mahirapang huminga. Noong una ay inakalang lasing lamang ito ngunit ilang minuto pa ang lumipas ay namutla na ito at tuluyang nawalan na ng malay.
Mabilis ang naging pagsaklolo ni Paul at ng ilan pang pasahero. Nakita ni Paul na tunay na masama ang lagay ng kabataan.
“Ginawa ko lamang ang aking obligasyon, isang bagay na ginagawa ko sa ospital araw-araw ng maraming taon na, ang CPR o Cardiopulmonary resuscitation”, aniya sa isang panayam.
At makalipas ng 3-4 na minutos, ang kabataan ay muling nagkamalay.
Aniya, sana ay maka-inspire sa mga kabataang pasahero ang kanilang nasaksihan upang matutunan ang maging handa sa pagtulong sa ibang tao. “Hindi kinakailangan ang maging duktor upang makasalba ng buhay, sapat na matutunan ang CPR”, pagtatapos ni Paul, sa ulat ng Lastampa.