Naging mabilis ang tugon ng ilang mga kababayang negosyante sa tawag ng pangangailangan. Kilala ang mga Pinoy sa iba’t-ibang raket upang magkaroon ng extrang pagkakakitaan o sideline. Ngunit dapat alalahanin na ang pagbebenta nang walang permit sa bansang Italya ay mahigpit na ipinagbabawal.
Ang episodyong nabalita ay nangyari ilang araw matapos aprubahan ng Konseho ng mga Ministro ang bagong dekreto na nagtataglay ng mga restriksyon laban sa pagkalat ng omicron variant. Ang isa sa mga artikulo ng dekreto ay ang obligatoryong paggamit ng FFP2 protective masks.
Ito marahil ang dahilan kung bakit sinamantala ng ilan ang pagkakataon upang makapagbenta ng marami. Araw ng lunes, ika-27 ng disyembre, bandang alas 4:30 ng hapon nang mahuli sa aktong pagbebenta ng mga FFP2 protective masks ang isang Pinoy sa Milano.
Sekwestrado ang mahigit sa isang libong nasabat na paninda. Ayon sa mga pulis bagamat may mga tatak na CE ang mga ito ay walang umanong naipakitang permit ang Pinoy sa kanyang pagtitinda sa may sidewalk sa busy street ng Milano. Nakuha ang pansin ng mga awtoridad dahil sa nagumpukang mga panic buyers. Maaalala na ang “assembramento” ay mahigpit na ipinagbabawal sa panahon ng pandemya. Sa isinagawang kontrol ay dito na nga nadiskubre ng mga pulis ang nangyayaring bentahan ng iba’t-ibang kulay na FFP2 masks.
Patuloy ang pagbibigay ng babala ng pamahalaang lokal sa mga walang permit sa pagtitinda. Maliban sa pagkumpiska ay may multa ding ipapataw sa mga hindi susunod sa kautusang ito. Ang pagsunod sa mga alituntunin sa panahon ng pandemya ay para sa kabutihan at kaligtasan hindi lamang ng mga nagtitinda kundi pati na rin ng kanilang mga kostumer.(Quintin Kentz Cavite Jr.)