in

Quarantine at Isolation, ang bagong regulasyon

ako-ay-pilipino

Pumapalo sa higit 100,000 ang mga bagong positibo sa mga huling araw sa Italya. Lumiliit ang mundong ginagalawan ng mga negatibo sa Covid19 at nanganganib na maparalisa ang bansa dahil sa pangangailangang sumailalim mag-quarantine ang nagkaroon ng ‘contact’ sa isang positibo sa Covid. Halimbawa ay ang pangyayari sa sektor ng transportasyon kung saan nag-kansela ng daan-daang mga biyahe dahil sa pagsasailalim sa quarantine ng karamihan. Dahil dito napilitan ang gobyerno na baguhin ang mga patakaran sa quarantine. Ang bagong regulasyon ay magkakabisa sa parehong araw ng paglalathala ng dekreto sa Official Gazette. 

Quarantine at islolation, ang bagong regulasyon

Contact o contatto, ang kahulugan

Una sa lahat, kailangang linawin na itinuturing na nagkaroon ng ‘contact’ ang sinumang nakasama o nakausap ang isang positibo sa Covid mula 48 oras bago ang paglabas ng mga sintomas hanggang 14 na araw pagkatapos o hanggang sa oras na makumpirma at mag-isolate ang positibo.  

Kung asymptomatic, itinuturing na nagkaroon ng ‘contact’ ang sinumang nakasama o nakausap ang isang positibo sa Covid mula 48 oras bago ang pagsasailalim sa Covid test hanggang sa 14 na araw pagkatapos o hanggang sa oras na makumpirma at mag-isolate ang positibo.  

Close contact o contatto stretto, ang kahulugan 

Itinuturing na nagkaroon ng ‘close contact’ ang sinumang nakasama o nakausap ang isang positibo sa Covid, ang isang taong kasama sa iisang bahay o iisang household o nagkaroon ng direct contact sa isang positibo. O nagkaroon ng face-to-face contact na mas mababa sa 2 metro ang distansya. O parehong nasa close area at parehong walang protective mask. O isang tao na nag-biyahe sa train, airplane o anumang uri ng transportasyon katabi ang isang positibo. 

Ano ang dapat gawin kung nagkaroon ng contact sa isang positibo? 

Ang mga nagkaroon ng close contact, kung idedeklara ng nag-positibo, ay tatawagan ng local health structure para sumailalim sa quarantine. Gayunpaman, ang contact tracing ay nagiging mahirap kaya kung malalaman na nagkaroon ng contact sa isang kumpirmadong positibo, ay kailangang tawagan ang sariling medico di base na makikipag-ugnayan sa Prevention Department ng ASL para sa home quarantine at surveillance.

Bakunado kontra Covid19 ng tatlong dosis, kailangan bang sumailalim sa quarantine? 

Ayon sa bagong dekreto, ang sinumang bakunado ng booster dose o nakakumpleto ng unang dalawang dosis ng bakuna kontra Covid nang wala pang 120 days o 4 na buwan ay HINDI sasailalim sa quarantine at sa halip ay gagawin ang ‘autosorveglianza‘ o self-monitoring. Sa kundisyong:

  • asymptomatic o walang nararamdamang sintomas at 
  • obligadong magsuot ng FFP2 protective mask sa bawat pagkakataong haharap sa ibang tao sa susunod na 10 araw. 

Sa pagkakaroon ng sintomas ay kailangang sumailalim sa quarantine at Covid test sa ikalimang araw. Ang quarantine ay magtatapos sa pagkakaroon ng negative covid test result (antigen o molecular) sa mga authorized pharmacy o centers.  

Wala pang booster dose, ano ang dapat gawin? 

Kung wala pang booster dose at nagkaroon ng ‘contact’ sa isang kumpirmadong positibo, ang mga bakunado ng dalawang dosis ng higit sa apat na buwan ay sasailalim sa precautionary quarantine ng 5 araw (ito ay 7 araw bago ang dekreto). Isang negative covid test ang kailangan upang matapos ang quarantine. 

Paano ang mga hindi bakunado o no vax? 

Sa kaso ng pagkakaroon ng contact sa isang positibo, ang mga no vax ay kailangang sumailalim sa 10 araw na precautionary quarantine na magtatapos lamang sa pamamagitan ng isang negatibong Covid test makalipas ang ika-10 araw.

Quarantine at Isolation, ano ang pagkakaiba ng dalawa?

Ang Quarantine ay tumutukoy sa pagbibigay limitasyon sa movement ng mga hindi infected na tao sa panahon ng incubation period, na maaaring nagkaroon ng close contact sa taong infected ng Covid19. Layunin sa panahong ito na bantayan ang paglabas ng anumang sintomas at maiwasan ang nakahawa ng ibang tao.  

Ang Isolation ay tumutukoy sa paghihiwalay sa karamihan o komunidad ng mga infected ng coronavirus sa panahong nakakahawa ito, sa lugar at kundisyon na maiiwasan ang pagkalat nito. (PGA)

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

mask family gatherings Ako Ay Pilipino

Ang pagsalubong sa Bagong Taon ayon sa bagong dekreto

Super Green Pass, ang bagong regulasyon para sa taong 2022