Itinalaga ng Decreto Flussi 2021 ang bilang na 20,000 para sa pagpasok sa Italya ng mga non-seasonal foreign workers sa mga sektor ng Autotrasporto o Road transport, Edilizia o Construction at Turistico-alberghiero.
Maaaring magsumite ng aplikasyon para sa nulla osta sa sektor ng transportasyon, partikular sa autrasporto o road transport ang mga dayuhang mayroong professional driver’s license ng mga articulated heavy vehicle/truck na convertible sa Italy (EC driver licence), mula sa mga bansang tinukoy sa artikulo 3, talata 1, letra a ng Decreto Flussi.
Samakatwid, tanging ang mga mamamayan lamang mula sa mga bansang pumirma sa bilateral agreement na nagpapahintulot sa conversion ng driver’s license na nabanggit. Ito ay ang mga bansang Albania, Algeria, Morocco, Moldova, Republic of North Macedonia, Sri Lanka, Tunisia at Ukraine. Sa kasamaaang palad ay hindi kasama ang Pilipinas sa sektor ng transportasyon.
Gayunpaman, ang Pilipinas ay kasama sa ibang sektor na napapaloob sa Decreto Flussi 2021.
Ang mga foreign workers mula sa mga bansang nabanggit, sa pagpasok sa Italya ay maaaring makapagmaneho gamit ang non-EU driver’s license sa pangalan ng kumpanyang nagsasagawa ng transportasyon hanggang sa isang taon mula sa pagiging residente sa Italya. Pagkatapos ang panahong nabanggit, ay kakailanganing i-convert ang driver’s license. (Atty. Federica Merlo para sa Stranieriinitalia.it)