in

Tela mo at makina ko, halina at manahi tayo 

Basic Sewing Workshop, inilunsad ng FWL

Iyan ang aktibidad ngayon sa Bologna kung saan ay naglunsad ang Filipino Women’s League (FWL) ng Basic Sewing Workshop sa koordinasyon ng Ma Dittz Arte Creativa, at tulong din ng Alyansa ng Lahing Bulakenyo (ALAB).

Noong taong 2019, nagbuo ng isang grupo ng mga mananahi ang ALAB at FWL, na kinabilangan ng mga kababaihang miyembro ng dalawang organisasyon. Ito ay may Facebook page na kilala sa tawag na Sartoria di Fashionista Filippina. Nagkikita-kita sila sa araw ng Sabado o Linggo sa Centro delle Donne upang sama-samang manahi. At nagkaroon din ng adbokasiya noong taong 2020 nang manahi at namigay sila ng mga cloth face mask bilang pantulong sa mga narses at healthworkers sa mga hospital ng Bologna at maging sa mga kababayan na walang mabili at magamit na surgical mask noong may lockdown ng ilang buwan.

Ngayong buwang ito ng Pebrero, 2022, pagkalipas ng dalawang taon na di makapagsanay nang sama-sama dahil sa restriksyon ng pandemya, muling nagkaroon ng pagkakataon na maituloy ang pagsasanay, kasama ang mga bago nang mananahi. Ang kanilang workshop ay inilunsad noong huling linggo ng Enero at nagsimula ang kurso nitong ika-6 ng Pebrero at magpapatuloy tuwing Linggo ng hapon.

Ang Basic Sewing Workshop ay mayroong susundang course outline, di tulad noong taong 2019 kung saan ay kanya-kanya ng disenyo at gawa ang mga mananahi, Magsisimula sila sa pagsasanay na manahi ng mga simpleng bagay pero puede nang pagkakitaan kung ito ay kanilang gagawing maliit na negosyo. At ipagpapatuloy nila ang workshop hanggang matutong gumawa ng mga padron ng mga damit o pattern making at ilapat na ito sa mga tela at tabasin hanggang mabuo.

Magiging katuwang ng MaDittz  Arte Creativa, si Annie Capres, na isang mahusay na mananahi ng mga damit na pang-okasyon gaya ng pangkasal, pang-debut at pandalo sa mga espesyal na evento. Ang kurso ay may dalawang bahagi, una ay ang Basic Sewing at ang ikalawa ay ang Advanced course. Ang mga nauna nang natuto noon ay siya namang umaasiste sa mga baguhang mananahi.

Ang isa pang layunin ng workshop ay makapaglunsad din ng isang programa na ipapakita sa publiko ang kanilang mga nayaring proyekto sa pamamagitan ng isang simpleng fashion show.

Kaya isa na naman itong makabuluhang gawain ng mga kababaihan. Natututo na sila, nagkakaroon ng mga bagong kaibigan at sama-sama pang may pagkakakitaan. (Dittz Centeno-De Jesus)

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

Validity ng Green pass, pagtatanggal ng restriksyon at regulasyon sa paaralan – ang nilalaman ng bagong dekreto

Protective mask sa outdoor, tatanggalin na