Inaprubahan ng Konseho ng mga Ministro kahapon, February 28, 2022 ang isang panukalang batas na naglalaman ng urgent measures ukol sa kasalukuyang krisis sa Ukraine. Kabilang na dito ang pagdedeklara ng State of Humanitarian Emergency ng Italya.
Ano ang tinutukoy sa State of Humanitarian Emergency?
Nagpasya ang Konseho ng mga Ministro na dagdagan ang mga tulong sa mga taong lumilikas sa European Union mula sa Ukraine. Dahil dito inaprubahan ang deklarasyon ng State of Humanitarian Emergency ng Italya hanggang December 31, 2022. Ito ay naglalayong masigurado ang saklolo at tulong sa mga Ukrainians sanhi ng tumitinding krisis.
Sinabi ng Presidente ng Konseho Mario Draghi sa Senado ngayong araw March 1 na handa ang Italya sa higit na aksyon – sa pamamagitan ng mga pangunahing humanitarian organization at sa pamamagitan din ng mga material na donasyon para sa Ukraine.
Ang tanging layunin ng State of Humanitarian Emergency, ayon pa kay Draghi, ay ang masigurado ang pagpapadala ng tulong ng Italya sa Ukraine.
Ang deklarasyon ng State of Humanitarian Emergency ng Italya ay tanda ng pagtulong at pakikiisa sa Ukraine.
Ito ay walang anumang epekto sa desisyong tapusin ang State of Emergency ng bansa dahil sa Covid19.
Ang deklarasyon ay ginawa matapos mapagkasunduan noong nakaraang Biyernes ang pagpapadala ng 200 tents – na nagtataglay ng 1,000 bed space – sa Polland para sa mga refugees.
Tinaasan din ng Konseho ng mga Ministro ang Emergency Fund ng 10 milyon para sa emerhensya. Dadagdagan din ng 13,000 ang capacity ng Centri di Accoglienza Straordinaria (CAS) at karagdagang 3,000 naman ang Sistema di accoglienza e Integrazione (SAI).
Samakatwid, ang plano ay handa na ngunit sa sandalling ito ay hindi pa alam kung ilan ang mga mangangailangan ng tulong na darating sa bansa. Ang bilang ng mga ito ay batay sa magiging kaganapan sa Ukraine at sa itatagal ng kasalukuyang digmaan doon. Ang pagtagal nito ay mangangahulugan lamang ng pagdami ng mga refugees.
Sa mga nakalipas na araw ay nagkaroon na ng ilang meetings ang Protezione Civile, Viminale, Regioni at Prefetture bilang paghahanda. Samantala, nagsimula na rin ang pangangalap ng tulong ng mga asosasyon at mga Parokya.
Ang Ukrainian community sa Italya ay humigit kumulang na 250,000. Karamihan sa kanila ay integrated na, may mga regular na trabaho ngunit naiwan ang mga mahal sa buhay sa Ukraine. Inaasahang ang mga unang dadating sa Italya ay ang pamilya at kamag-anak ng mga Ukrainians na naninirahan na sa Italya. (PGA)