Nitong ika-2 ng Abril, 2022, naganap ang pagdiriwang ng ika-10 taong pagkakatatag ng KNIGHTS OF RIZAL Italy at Modena Chapter, na pinangungunahan ng kanilang Chapter Commander na si Sir Dennis Ilagan-KCR. Isinabay din doon ang ikatlong taong anibersaryo ng Milan Chapter.
Nagsidalo din ang mga opisyal at miyembro mula sa iba’t ibang bahagi ng Europa, sa pangunguna nila Sir ALBERT AREVALO-KGOR, ang Immediate Past Regional Commander of Europe at si Sir JIM REBONG-KGOR, ang Special Assistant of Europe Region. Sila ang mga naging representante ni Europe Regional Commander Sir LINO PARAS- KGCR mula sa Brussels, Belgium. Naroon din si Sir EMERSON MALAPITAN- KCR, ang Immediate Past Area Commander for Italy at siya ding Founder ng Knights of Rizal Italy.
Dumalo din ang mga Knights of Rizal, Kababaihang Rizalista at Las Damas de Rizal mula sa Paris at Cannes sa France, Monaco, Cote de Azur, Beasoulei at Switzerland. Dito sa Italya naman ay mula sa Milan, Firenze, Roma at Cagliari.
Naging panauhing tagapagsalita si Consul General Lady BERNADETTE THERESE FERNANDEZ ng PCG Milan na kasama si Consul NORMAN PADALHIN, Dr. GRIZELLE PADALHIN, Cultural Officer SYLVIA DE GUZMAN at Mr. DAWNEY FIGUEROA . Naging panauhin din si OWWA Welfare Officer PETRONA BERGADO at mga staff ng POLO-OWWA na sina Administrative Assistant Giovanni Docusin at Raya Manalo.
Sa bahagi ng pananalita ni Consul General Fernandez, aniya na sa mga pagdiriwang na katulad nito , naipapalaganap ang mabubuting katangian ng bayaning si GAT JOSE RIZAL at ang mga aral na kanyang naiwan. Binanggit din niya ang hangarin ng Konsulato na makapagtayo ng isang monumento ni Rizal sa Milano, bagama’t hindi man ito napadpad noon sa Northern Italy, ay isang malaking karangalan para sa mga mahigit 200,000 libong Pilipino na narito, ang magkaroon ng isang simbolo ng pambansang bayani ng Pilipinas. Magsisilbi din itong pagpapakilala at pagpapaalala sa mga kabataan sa kabayanihan ni Rizal.
Ang proyektong ito ay sisikaping maisakatuparan ng Knights of Rizal in Milan, sa pangunguna ni G. PAUL BUENCONSEJO, katuwang din si GNG. EVELYN REVILLA, na may family business na Ital-Trans, upang makapaghandog ng busto ni Rizal na magmumula sa Pilipinas. Ang disenyo ng pedestal ay pagtutulungang idisenyo ng mga Filipino young professionals na nagtapos sa Politecnico sa Milano. Maging ang Comune di Milano ay tutulong na matapos ito dahil ito ang magiging unang permanenteng instalasyon ng monumento ng isang bayaning Pilipino, sa Northern Italy. Hinihiling niya na mapagtulungan din ang aspetong pinansyal na haharapin.
Naimbitahan din ang Sindaco ng Modena bilang panauhin, si Hon. GIANCARLO MUZZARELLI , bagama’t di nakarating ay kanyang ipinadala ang kanyang representante na si Assessora ANA MARIA LUCA MORANDI.
Nagpahatid din ng pagbati ang Knights of Rizal Supreme Commander Sir GERARDO CALDERON – KGCR, sa pamamagitan ng isang video message.
Lubos na pasasalamat ang ipinaaabot ng Knights of Rizal Italy sa kooperasyon ng mga miyembro ng Knights of Rizal Modena , pati na ang tulong at suporta ng grupo ng Kababaihang Rizalista, lalo at higit sa gabay ng Panginoong Diyos , sa matagumpay na selebrasyon.
Non Omnis Moriar! (Ulat ni Dittz Centeno-De Jesus at Mga Kuha: Knights of Rizal Modena)