in

Muling pagkakaroon ng Mobile Consular Service sa Bologna, naisagawa nguni’t unang araw ng Pagboto, di naisakatuparan

Naisagawa nitong ika-9 at 10 ng Abril, 2022, ang muling pagkakaroon ng Mobile Consular Service ng PCG MILAN sa Bologna, na pinamahalaan nila Consul NORMAN PADALHIN at Vice-Consul AWEE DACANAY. Ito ay  ginanap sa Centro Interculurale Zonarelli , via G. Sacco 14, sa koordinasyon ng Federation of Filipino Association in Bologna (FEDFAB), sa pangunguna ng pangulong si VIRGILIO CESARIO at mga boluntaryong lider ng mga organisasyon. Dahil sa laki ng populasyon ng Bologna, kasama na rin ang mga kalapit na siyudad at probinsiya, di naging sapat ang dalawang araw upang maisama ang lahat ng prenotasyon kaya nagpayo ang Konsulato na maaaring magpaprenotasyon din sa kalapit na Modena para sa serbisyo dito sa ika-30 ng Abril at ika-1 ng Mayo.

 

Unang araw ng Pagboto, di naisakatuparan

Kaugnay nito, dapat sana ay dito sa Bologna gaganapin din ang unang araw (Abril 10) ng distribusyon ng ballot packet, na hiniling ng mga botante na madala para sila ay makapagkompila at sabay maisumite sa Board of Inspectors. Nguni’t dalawang araw bago ang takdang iskedyul ng botohan ay naglabas ng advisory ang Konsulato na hindi dumating ang mga balota na dapat sana ay noon pang ika- 7 ng Abril inaasahan ang delivery. Laking panlulumo ni Consul General BERNADETTE FERNANDEZ nang kanyang ibalita sa Filipino community na kanselado ang botohang gaganapin sana sa JIL Church Compound sa via Corticella. Kaya nang araw na iyon ay nagtungo pa rin doon si Consul Norman Padalhin upang humingi ng paumanhin sa mga magsisipunta pa rin  sa lugar upang kunin ang ballot packet na hindi napaabutan ng abiso.

Sa kasalukuyan, ay nagpaabot ng mensahe ang Konsulado na dumating na ang kalahati ng shipment ng mga Balota at iba pang election materials nitong araw ng Miyerkoles, ika-13 ng Abril 2022.

Nguni’t isang bagay na naging alalahanin pa din sa mga botante dahil nagkaroon ng pagbabago sa kanilang opsiyon ng pagboto. Sa di pagkatuloy ng botohan sa Bologna ay magpaplano na silang magtungo sa Milano upang personal na kunin ang ballot packet o kaya naman ay intayin na lamang sa kani-kanilang tirahan kung ipapadala sa pamamagitan ng koreo. Maaari din naman silang magtungo sa mga lugar kung saan may Mobile consular service na gaganapin o bibisitahing lugar, sa Torino (16-17 Abril), Piazzale Santo Stefano Milan (17 Abril), Bisceglie Milan (21 Abril), Mestre (23-24 Abril), Monza (23 Abril),Genova (24 Abril), Modena (30 Abril-1 Mayo). Kinailangan lamang na magpadala ng email sa milanbalota2022@gmail.com hanggang sa ika-17 ng Abril, 2022 kung nais na sa mga nabanggit na lugar ipapadala ang ballot packet o kaya ay kukunin nang personal sa Milan Consulate. Sa petsang ika-18 ng Abril ay sisimulan na nilang ipadala sa pamamagitan ng koreo ang mga balota sa mga tirahan ng mga botanteng di humiling na dalhin ito sa mga lugar na bibisitahin ng Konsulato.

Umaasa ang lahat na maiasaayos na ang lahat ng mga balota sa linggong ito, upang maisakatuparan na ang pagboto. (Dittz Centeno De Jesus)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Knights of Rizal Italy, nagdiwang ng Anibersaryo ng Pagkakatatag

Ukrainians na dumating sa Italya, higit 91,000 na