Ang dayuhang kumikita ng itinakdang halaga ng batas ay maaaring papuntahin ang asawa, anak o magulang para manirahan sa Italya. Ito ay sa pamamagitan ng ricongiungimento familiare o family reunification process.
Asawa, anak, magulang at civil partner. Sila ang mga miyembro ng pamilya na maaaring papuntahin sa Italya sa pamamagitan ng family reunification process, sa kundisyong may sapat na sahod na makakatugon sa lahat ng kanilang mga pangangailangan, bukod pa sa ilang mga requirements ng ricongiungimento familiare.
Partikular, ayon sa Batas sa Imigrasyon o Testo Unico sul’Immigrazione, ay kinakailangan ang pagkakaroon ng required salary, buhat sa legal na paraan, na hindi bababa sa halaga ng social allowance o assegno sociale.
Para sa taong 2022, ang halaga ng assegno sociale ay € 6,079.45 sa isang taon, o € 467.65 kada buwan. Ito ay nadadagdagan ng kalahati ng halaga nito para sa bawat miyembro ng pamilya na pipitisyunin o papupuntahin sa Italya.
Partikular, dapat tandaan:
- Para sa dalawa o higit pang anak na wala pang 14 anyos = € 12,158.90
- Para sa asawa at 2 o higit pang mga anak na wala pang 14 anyos = € 15,198.62
Ang Required Salary 2022 para sa Ricongiungimento Familiare
Paano kung hindi sapat ang kita o sahod, ano ang dapat gawin?
Sa kalkulasyon ng kabuuang kita ay isinasaalang-alang din ang mga sumusunod:
- ang halagang natatanggap mula sa assegno familiari;
- ‘reddito nucleo familiare’ o ang kabuuang sahod ng lahat ng mga miyembro ng pamilya na nabibilang sa parehong Stato di Famiglia.
Kaugnay nito nilinaw ng Ministry of Interior na para sa kalkulasyon ng kabuuang kita ay isasaalang-alang ang ‘famiglia anagrafica’ at hindi lamang ang mga miyembro ng pamilya na tinutukoy sa Artikulo 29, talata 3, titik b, ng TU Immigrazione (asawa, magulang at mga anak); samakatwid, dapat ding isaalang-alang ang kita ng convivente o live-in partner.
Gayunpaman, kung ang parehong mga miyembro ng pamilya ay hindi nagta-trabaho, ngunit nabibilang sa parehong ‘stato di famiglia’ ay isasaalang-alang na dependent o ‘a carico’ ng aplikante at samakatwid ang required salary ay tataas nang proporsyon sa bilang ng mga miyembro ng pamilya (konsultahin ang Table sa itaas).
Paalala: Ang kalkulasyon ng kabuuang sahod para sa ricongiungimento familiare ay katulad ng required salary sa pag-aaplay ng permesso CE per lungo soggiornanti. (PGA)
Basahin din:
- Gabay sa Ricongiungimento Familiare, unang bahagi
- Gabay sa Ricongiungimento Familiare – Ikalawang bahagi
- Halaga ng Assegno Sociale 2022, itinaas sa € 6,079.45