“Wala akong intensyon na patayin ang aking kaibigan na si Galileo”. Ito ang patuloy na isinisigaw ni Antonio Rapisura, ang Pinoy na inaresto dahil sa pagpatay kay Galileo Landicho noong nakaraang November 21, 202, sa Rimini station.
Ang dalawa ay magkaibigan ngunit dahil sa selos at hinalang relasyon ng biktima sa kanyang asawa ang naging dahilan ng karumal-dumal na pagpaslang. Mga hinala na batay sa imbestigasyon ay hindi pa rin kumpirmado hanggang ngayon.
Si Rapisura, 51 anyos at may tatlong anak, ay nabulag sa selos at ito ang nagtulak na puntahan sa istasyon si Galileo Landicho.
“Ngunit hindi ko sya nais na patayin“, ang paulit-ulit na binanggit ni Rapisura sa mahabang interogasyon ni prosecutor Luigi Sgambati ilang linggo na ang nakararaan. Ang interogasyon, na naganap sa bilangguan sa presensya ng mga abogado ni Rapisura na sina Alessandro Petrillo at Monica Rossi, ay tumagal ng mahigit tatlong oras.
Sinagot ni Rapisura ang lahat ng mga katanungan, na naglilinaw ng ilang detalye ukol sa naging pagpaslang noong November 21, 2021. Aniya, nang gabing iyon sa istasyon ay hindi sila nag-usap. Dumating sya sa bus stop kung saan nag-aabang pauwi ng bahay si Landicho at mula sa likod ay kanyang sinaksak ang biktima sa leeg. Natunton lamang ng pulisya si Rapisura makalipas ang isang buwan sa tulong ng mga cctv at ilang Pilipino. Siya ay inaresto at inakusahan ng premeditated murder.
Inamin ni Rapisura na “Nabulag ako sa selos”. Ngunit sa isinagawang imbestigasyon ay walang lumabas na magpapatunay sa umanoy relasyon ni Landicho sa asawa ni Rapisura.
Gayunpaman, pinag-aaralan ng mga abogado ni Rapisura ang mga susunod na hakbang. Hihilingin nila na ‘pagaanin’ ang akusasyon laban sa kanya: mula sa premeditated murder sa involuntary manslaughter.
Mula sa bilangguan, si Rapisura ay patuloy na humihingi ng kapatawaran sa pagpatay sa kanyang kaibigan: “Hindi ko nais na patayin si Galileo“.
Basahin din:
- Pinoy, sinaksak sa harapan ng Rimini station
- Kasong pagpatay sa Rimini, isang Pinoy umamin sa mga awtoridad