Idineklara kamakailan ng Constitutional Court ng Italya na hindi lehitimo ang awtomatikong pagbibigay ng apelyido lamang ng ama sa mga anak.
Ito ba ay nangangahulugan na ang mga batang ipapanganak sa Italya ay magkakaroon ng apelyido ng parehong magulang?
Ayon sa Constitutional Court, ang mga batang ipapanganak ay magkakaroon ng dalawang apelyido: ang apelyido ng ina at ang apelyido ng ama. Ang mga magulang ang magtatalaga kung anong apelyido ang mauuna. At kung sakaling hindi magkakasundo ang mga magulang, ang hukom ang magtatalaga kung ano ang mauuna sa dalawa.
Samakatwid, ang mga bata ay irerehistro sa Anagrafe nang may dalawang apelyido, maliban na lamang kung may ibang nais ang mga magulang.
Sa katunayan, ang mga magulang ay maaaring magpasya – ayon sa Constitutional Court – na ibigay sa anak ang apelyido lamang ng ina o ang apelyido lamang ng ama, tulad ng ginagawa hanggang sa ngayon.
Samakatwid, ang mga ipapanganak na sangol ay posibleng magkaroon ng isa o dalawang apelyido – batay sa nais ng mga magulang.
Sa madaling salita, tulad ng pangalan ng anak, kahit ang apelyido ay ang mga magulang ang magpapasya sa kundisyong hindi mag-iimbento ng bagong apelyido ang mga magulang.
Gayunpaman, para sa mga susunod na henerasyon, ay kakailanganin ang isang regulasyon. Dahil kung ang isang lalaki na may dalawang apelyido ay mapapangasawa ang isang babae na mayroon din dalawang apelyido, ang kanilang anak ay magkaroon ng apat na apelyido. At ang kanilang mga apo ay magkakaroon naman ang walong apelyido. Ang solusyon ay nasa kamay ng Parliyamento.
Sa katunayan, sa Senado ay nagsimulang pag-aralan ang ilang panukala para sa isang batas batay sa hatol ng Constitutional Court. Ito rin ang magtatalaga ng mga regulasyon batay sa mga prinsipyo na dapat isaalang-alang.
Nananatiling maraming detalye ang dapat linawin, at kailangang hintayin ang paglalathala ng buong hatol at ang batas ukol sa pagpapatupad nito. (PGA)