Ilang linggo na lamang at matatanggap na sa Italya ang pinakahihintay na bonus na inilunsad ng gobyerno ni Draghi sa pamamagitan ng Decreto Aiuti. Ang mga lavoratori dipendenti, self-employed, unemployed, pensyonado, seasonal workers, colf, caregivers at ang mga tumatanggap ng reddito di cittadinanza ay makakatanggap ng €200 bonus, ngunit kailangan bang mag-aplay nito?
Kailan matatanggap ang €200 bonus?
Ang € 200 bonus ay matatanggap sa buwan ng July sa mga busta paga o pensione, ng mga lavoratori dipendenti – parehong public at private – at mga pensyonado (na nakakatugon sa kundisyon) habang ang iba pang mga kategorya (na kailangang mag-apply) ay direktang makakatanggap ng bonus mula sa INPS sa pamamagitan ng bank transfer. Gayunpaman, sa huling nabanggit ay hindi pa matiyak ang panahon ng pagtanggap sa bonus.
Isang bagay ang sigurado: ang bonus ay tax free, at ito ay hindi ituturing bilang kita o sahod. Ngunit sino ang may karapatang matanggap ang € 200 bonus? Ayon sa Decreto aiuti, ang bonus ay matatanggap ng sinumang ang personal na kita ay mas mababa sa €35,000 sa isang taon. Narito ang paglilinaw.
Lavoratori dipendenti, kailangan bang mag-aplay upang matanggap ang €200 bonus?
Ang mga lavoratori dipendenti ay hindi kailangan ang mag-aplay upang matanggap sa busta paga ang bonus. Ito ay ‘halos’ awtomatikong matatanggap kung makakatugon sa ilang requirements.
- kabuuang personal na kita na mas mababa sa € 35,000 sa isang taon o nanganghulugan na nakatanggap ng diskwento sa kontribusyon sa unang quarter ng taon, nang hindi bababa sa isang buwan – ibig sabihin, ang reddito imponibile o taxable income ay hindi lalampas sa € 2,692 kada buwan, kasama ang 13th month pay;
- hindi nakakatanggap ng mga benepisyong nasasaad sa Artikulo 32, mga talata 1 at 18.
Upang matanggap ang bonus sa buwan ng July 2022, ang worker ay kailangang mag-prisinta ng isang deklarasyon sa employer, ang dichiarazione di veridicità kung saan nasasaad:
- na hindi tumatanggap ng isa o higit pang benepisyo mula sa anumang uri ng compulsory social security, pension, social allowance o invalidity allowance, bind/deaf/dumb pati na rin ang accompanying pensions;
- hindi benepisyaryo ng reddito di cittadinanza na tinutukoy sa batas ng 28 Enero 2019, n. 4, naisabatas na may mga susog sa batas ng Marso 28, 2019, n. 26.
Gayunpaman, ang form ng dichiarazione di veridicità ay manggagaling sa employer na dapat pirmahan ng worker at ibabalik sa employer.
Ang worker ay makakatanggap ng isang beses ng bonus kahit:
- may 2 o tatlong trabaho;
- kung dipendente o pensyonado;
- may contratto di lavoro at mayroong partita IVA.
Ilang €200 bonus ang maaaring matanggap ng isang pamilya?
Ang isang pamilya ay maaaring makatanggap ng higit sa isang € 200 bonus, kung, halimbawa, ang mga magulang ay parehong lavoratori dipendenti. Sa kasong ito, makakatanggap ang isang pamilya ng dalawang bonus na € 200.
Samantala, kumplikado ang sitwasyon kung sa pamilya (nucleo familiare) ay mayroong isang miyembro na tumatanggap ng reddito di cittadinanza at isang lavoratore dipendente. Sa kasong ito, matatanggap ang € 200 bonus sa RdC card ng tumatanggap ng reddito di cittadinanza, kung sa pamilya ay walang ibang miyembro na may karapatang matanggap ang ibang benepisyo.
Ang aplikasyon ng € 200 bonus ay kailangang isumite sa INPS, sa pamamagitan ng mga patronato, ng mga sumusunod:
- colf at caregivers;
- mayroong contratto di collaborazione coordinate e contiuativa;
- seasonal workers na may contratto determinato
- mga manggagawang nakatala sa entertainment pension fund;
- occasional workers na walang partita iva. (PGA)
Basahin din:
- Bagong bonus na € 200,00 – paano mag-aplay at kailan matatanggap?
- €200,00 bonus, paano matatanggap ng mga colf?