Nahaharap ang Italya sa State of Emergency. Ang heat wave mula sa Africa at kakulangan ng ulan ngayong taon ay nagpapalala sa kasalukuyang emerhensya ng tagtuyot sa Italya.
Sa kasamaang palad, nararamdaman na ang mga epekto nito, partikular sa supply ng tubig. Dahil dito, inaasahan sa lalong madaling panahon ang isang dekreto mula sa Gobyerno upang harapin ang emerhensya. Ang dekreto ay maglalaman ng mga hakbang upang iwasan ang anumang uri ng pagsasayang sa tubig.
Nagpahayag na din ng pagkabahala ang mga Rehiyon. Sa katunayan, pinirmahan na ng presidente ng Lazio, Nicola Zingaretti ang dekreto kung saan dinedeklara ang State of Calamity ng rehiyon hanggang November 30, 2022 dahil sa matinding krisis sa tubig.
Binigyang-diin sa dekreto ang pangangailangang harapin ang emerhensya, ang pagtitipid sa tubig upang matugunan ang pangangailangan ng populasyon at produksyon.
Samantala humingi na rin ng tulong ang Piemonte sa Valle d’Aosta para sa agrikultura. Gayunpaman, kahit ang Valle d’Aosta ay nahaharap na din sa krisis.
Samantala, sa kabila ng inaasahang temporale sa Biyernes June 24 sa Alpine region, ang African anticyclone ay babalik sa Mediterranean basin. Hindi bababa sa hanggang sa simula ng susunod na buwan (July) ang temperatura at walang naiulat na anumang pag-ulan kaya’t pinaghahanda ang lahat sa bagong heat wave at papalo higit sa 35 ° C ang temperatura sa maraming rehiyon sa bansa. (PGA)