Inilathala na sa Official Gazette at may bisa na simula kahapon, June 22, 2022 ang decreto-legge 73/2022, na magpapadali at magpapabilis sa proseso ng Decreto Flussi para sa pagpasok ng mga manggagawang dayuhan sa Italya.
Kabilang dito ang pag-iisyu ng nulla osta sa loob ng 30 araw mula sa paglalathala ng batas, para sa lahat ng mga aplikasyon na isimunite sa ilalim ng Decreto Flussi 2021, kahit pa sa nabanggit na deadline ay wala pang nakukuhang impormasyon ukol sa posibleng balakid sa aplikasyon.
Ang nulla osta o work permit ay magpapahintulot na magkapagtrabaho sa Italya. Ang entry visa naman ay iri-release sa loob ng 20 araw mula sa aplikasyon nito, para sa mga nabigyan na ng nulla osta.
Ang pinadaling proseso ay ipatutupad din sa Decreto Flussi 2022. Samakatwid, ang 30 araw para sa releasing ng nulla osta ay bibilangin mula sa pagsusumite ng aplikasyon.
Matapos makuha ang nulla osta, may isa pang mahalagang pagbabago hatid ang bagong batas. Ang employer ay maaaring i-hire agad ang worker, sa kundisyong nasa Italya na sa petsa ng May 1, 2022, at ito ay mapapatunayan sa pamamagitan ng finger print, deklarasyon o dokumentasyon mula sa anumang tanggapang publiko. Ang mga kundisyong ito ay dapat mapatunayan ng Sportello Unico per l’Immigrazione kapag tinawag na ang employer at worker para sa pagpirma sa contratto di soggiorno.
At upang mapabilis ang lahat ng mga nabanggit sa itaas, ay inaasahan din ang karagdagang manpower sa mga Sportelli Unici. Ang Ministry of Interior ay nakalaang magbayad ng mas maraming overtime sa mga sibilyang kawani nito at nakalaan ding magdagdag pa ng mga tauhan.